MENU

Pinatunog na ang huling batingaw para sa Tagisang Robotics!

Pinarangyaan ng Department of Science and Technology–Science Education Institute (DOST-SEI) ang panibagong pambansang patimpalak sa robotics na—hindi tulad sa nakasanayang pook-palaruan—ay lubos na gaganapin sa pamamaraang birtwal.

Sa isang pagsasanay nito noong 13–17 Disyembre taong 2021, inihayag ng DOST-SEI ang bagong palaro na lalahokan ng mga beteranong koponan mula sa Bangkal High School (HS), Caloocan National Science and Technology HS, Makati Science HS, Malabon National HS, Manila Science HS, Marcelo H. del Pilar National HS, Pasig City Science HS, Pitogo HS, Quezon City HS, Rizal HS, Rizal National Science HS, San Francisco HS, Sen. Renato "Compañero" Cayetano Memorial Science & Technology HS, Taguig Science HS, at Valenzuela School of Math and Science.

Tinuruan sa pagsasanay ang mga kalahok ukol sa panimula ng mga paksang electronics, microcontrollers, at microcontroller interfacing—pati na rin sa mga pamamaraang interfacing at pag-programa sa kanilang mga "mobot."

Tinustusan ng DOST-SEI ang bawat koponan—na kinabibilangan ng apat na mga mag-aaral at isang tagasanay—ng mga piyesa at kasangkapang kailangan sa pagbuo ng mobot na pinapaandar ng microcontroller.

Ang patimpalak na pinamagatang Tagisang Robotics Competition (TRC) 2.0 ay gaganapin sa isang palaruang parisukat na may 120 sentimetrong haba kada panig at hahatiin sa dalawang bahagi—mga paubusang labanan o "heats" at ang huling labanan.

Masusubukan sa "heats" ang galing ng mga koponan sa pagtupad ng mga inilistang gawaing may katumbas na puntos tulad ng panimulang pag-usad, wastong paggalaw, at pagsunod sa mga guhit at kulay.

Bibigyang pagkakataon ang mga koponan na tapusin ang tatlong "heats" mula Pebrero hanggang Abril ng taong 2022 upang sapat silang makapaghanda. Ang walong koponang may pinakamataas na pinagsama-samang puntos ay mapupunta sa huling labanang gaganapin sa Mayo. Ayon sa nakaraang kalakaran, ang koponang may pinakamataas na puntos matapos ang mga paubusang labanan ay mananalo ng Best Team Award.

Masasubukan naman sa huling labanan ang kakayahan ng mga "mobot" na maglibot sa palaruan at magbukud-bukod ng mga bagay ayon sa kulay, tulad ng namamasdan sa isang "smart warehouse." Ang pinakamabilis na koponang makakatapos sa huling labanan ang tatanghaling kampeon sa TRC 2.0 at makakatanggap ng gantimpalang salapi at tropeo mula sa DOST-SEI.

Ang mga paubusan at huling labanan ay gaganapin sa pamamaraang birtwal kung saan gagamit ang mga koponan ng isang "web conferencing application." Upang mapanatili ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa patimpalak, ipapadala ng mga koponan ang kanilang mga "remote code" sa mga kalahok na nasa palaruan upang i-"upload" sa kanilang mga mobot na tutupad ng mga naatasang gawain.

Ayon sa Direktora ng DOST-SEI na si Dr. Josette T. Biyo, ang mga panibagong pagsubok ay layong mapanatili ang kagalakan ng mga koponan sa robotics at matulungan silang makabuo ng mga kasanayang maibabaon nila sa kanilang lakbay patungo sa mga larangan ng agham at inhinyerya.

Dagdag pa niya, kahit na nakadagdag sa pagsubok ang pagbabawal sa mga labanang harapan ay nananatili ang subukan sa kasanayan at pag-iisip na kakailanganin upang makaipon ng mga puntos. Naniniwala siya na mabibigyang-daan ng mga pagsubok na ito ang pagtutulungan at pagkatuto ng mga kalahok mula sa isa't-isa (Impormasyon mula sa DOST-SEI)

Ang palaruan ay may sukat na 120 sentimetrong haba kada panig at may 16 na parisukat na 25 sentimetrong haba kada panig. Tatlong bahagi na may kulay pula, luntian, at bughaw ang magbibigay-palatandaan para sa mga gawain. Ang mga “pallet” na yari sa “plexiglass acrylic” at piyesang “3D-printed” ang magbibigay-pagsubok sa palaro.

Larawang nahango mula sa teknikal na pagsasanay ng TRC 2.0.