MENU

Sa darating na 5-6 Abril 2022, ihahandog ng National Academy of Science and Technology Philippines (NAST-PHL) ang Mindanao Regional Scientific Meeting (MRSM) sa mga taga-Mindanao upang talakayin ang PAGTANAW 2050, isang proyekto na magbabalangkas ng Science, Technology and Information (STI) Foresight and Strategic Plan ng bansa.

Gabay ng temang, “PAGTANAW 2050: Agham Tungo sa Mabuting Kinabukasan”, layon ng nasabing gawain na siyasatin ang STI talent capacity -- o mga manggagawang sangkot sa siyensiya, teknolohiya, at inobasyon -- at mga panukala upang mapayabong at mapanatili ang mga nasabing manggagawa. Kasama din sa pag-uusapan sa MRSM ang paglalahad ng mga pananaliksik at mga polisiya na gagabay sa buong komunidad.

Bibigyang diin sa MRSM ang mga plenary sessions patungkol sa “Management Science for Talent Development and Retention” at “COVID-19, Natural Disasters, and Economic Recovery.”

Ang MRSM ay gaganapin online sa pamamagitan ng Zoom, na siyang mapapanood nang live sa opisyal na Facebook at YouTube accounts ng Department of Science and Technology Region IX (DOST-IX). Katuwang ng NAST-PHL ang DOST-IX sa buong gawain ng Mindanao RSM. Layon naman maabot ang mas maraming taga-Mindanao gamit ang mga nasabing online platforms.

Dadaluhan ang MRSM ng mga academicians o miyembro ng NAST-PHL, mga Outstanding Young Scientists, at mga piling tagapagsalita na siya namang inaasahang haharap sa akademya, mga manggagawang medikal, mga lokal na pamahalaan, mga gumagawa ng batas, at mga nasa pribadong sector.

Ilalahad din sa MRSM ang mga piling programa at proyekto ng buong kagawaran (DOST) at ng NAST-PHL.

Layon ng MRSM na mas ilapit pa ang agham sa mga Pilipinong nasa iba’t ibang rehiyon ng bansa. Ito ay kabilang sa mas malawakang 44th Annual Scientific Meeting ng NAST-PHL.

Sa mga interisado, maaaring magrehistro gamit ang weblink: https://bit.ly/2022MindanaoRSM. Maaari din umantabay sa Facebook page ng DOST-IX, https://www.facebook.com/DOSTRegion9/ o NAST-PHL https://www.facebook.com/nastphl/ para sa iba pang anunsyo. (Ni David Matthew C. Gopilan,DOST-STII at impormasyon mula kay Gretchelle Araneta, DOST-IX)