MENU

 

Nag-organisa ng pagpupulong ang Department of Science and Technology Regional Office I (DOST-I) kasama ang Lokal na Pamahalaan ng Adams sa lalawigan ng Ilocos Norte at iba pang mga ahensya para sa pagbuo ng plano at istratehiyang may kinalaman sa pagsisimula ng Community Empowerment thru Science and Technology (CEST) Program na tinawag na “Engaging Local Communities with Science, Technology, and Innovation for Development”.

Kabilang sa mga dumalo sa pulong sina Kgg. Rosalia D. Dupagen, kasalukuyang alkalde ng Adams at mga representante mula sa LGU, Prof. Bella Herbacio ng Mariano Marcos State University (MMSU), at DOST-Provincial Science and Technology Center (PSTC) Ilocos Norte Director Benjamin S. Mercado Jr. at grupo nito.

Sa mensahe ni DOST – I Regional Director Dr. Armando Q. Ganal, hinimok nito ang lahat na pahalagahan at yakapin ang programang gagawin sa kani-kanilang mga pamayanan.

Paliwanag niya, sa pamamagitan ng mga proyekto ng CEST ay mas magiging produktibo ang mga residente sa mga apektadong lugar kung magagamit lamang ng tama at mabuti ang mga yaman; makapagbibigay din aniya ang programa ng health and nutrition interventions, at mas mapauunlad ang S&T learning doon.

Bukod dito, inilatag din ni CEST Project Leader Decth-1180 P. Libunao ang lista ng mga proyekto na isasagawa sa mga piling sitio ng Adams, at hiniling din ang tulong ng mga katuwang na State Universitites and Colleges (SUCs) sa pagbuo ng grupo ng mga eksperto galing sa mga institusyon nito.

Nagtapos sa kasunduang magsagawa ng isang Rapid Rural Appraisal (RRA) sa mga komunidad, gayundin ang paglalatag ng mga iskedyul at proseso kinakailangan rito. 

Ang RRA ang tatantya ng mga asset, pangangailangan, at oportunidad ng isang pamayanan para makapag-develop ng karampatang technological interventions para sa mga lugar na maitatala. (Ni Jerossa A. Dizon, DOST-STII at impormasyon mula kay Jerwin M. Ramos, DOST-I)