MENU

Isang negosyong pinangungunahan ng isang babae na inasistehan ng Department of Science and Technology (DOST) ang ngayon ay nakapagbibigay na ng trabaho sa higit 60 manggagawang karaniwan ay mga maybahay, kung minsa’y umaabot pa ng 70 katao depende sa demand.

Ang naturang negosyo ay ang Bestfriend Goodies na natulungan ng DOST sa pamamagitatn ng Provincial Science and Technology Center (PSTC) – Misamis Oriental na ngayon ay ikalawang beses nang naasistehan ng Small Enterprise Technology Upgrading Program o SETUP na isa sa mga malaking program ng DOST na ini-implement katulong ang mga regional office ng ahensya.

Ang ikalawang production facility ng Bestfriend Goodies ay nakatuon sa produksyon ng Enhanced Nutribun (eNutribun) na gumagamit ng teknolohiyang dinebelop ng Food and Nurtirtion Research Institute (FNRI) ng DOST.

Hindi na lang produktong pampasalubong ang ginagawa ng naturang negosyo dahil sila rin ay naggagawa na rin ng mga produktong Ready-To-Eat o mga pagkaing maaari nang kainin nang hindi na iniluluto. Dito ay humingi sila ng tulong mula sa DOST para mai-adopt ang lima pang klase ng RTE – ang arroz caldo, binignit, champorado, chicken tinola, at monggo na may dilis na pawang nakalagay sa mga pouch. Kasama sa interbensyon na ito ang pagbibigay ng DOST ng Fully Automatic Double Layer Sterilization Retort na naglilinis ng mga pouch bago ito lagyan ng mga nabanggit na produkto.

“Ang proyektong ito ay hindi lang nakapag-aangat ng estadong pangkabuhay ng mga local ngunit nabibigyan rin ng kapangyarihan ang mga maybahay,” ani PSTC-Misamis Oriental Director Junelyn-Louvena B. Ruiz.

Dahil ang naturang pasilidad ay itinuturing na kauna-unahang RTE Technology Manufacturing Facility sa Mindanao, ngayon ay mayroon nang tuloy-tuloy na suplay ng masustansyang ready-to-eat na pagkain sa rehiyon para sa mga kabataan, buntis, at nagpapasusong ina na kulang sa nutrisyon. Ang mga ito rin ay malaking tulong sa panahon ng sakuna at bilang suporta sa mga feeding program ng gobyerno at iba pang organisasyon. (Ni Rosemarie C. Señora, DOST-STII at impormasyon mula kina Julie Anne Baculio at Junelyn-Louvena Ruiz, PSTC-Misamis Oriental)