Kauna-unahang VHFS-integrated portable toilet facilities sa Andap National High School sa New Bataan, Davao de Oro
Para mapabuti ang antas ng kalinisan sa mga liblib na lugar sa Pilipinas, ipinagkaloob ng Department of Science and Technology Region XI (DOST-XI), sa pamamagitan ng Provincial Science and Technology Center in Davao de Oro (PSTC DdO), ang kauna-unahang portable toilet facilities ang Andap National High School sa New Bataan, Davao de Oro noong ika-11 ng Marso 2022.
Ang naturang portable toilet facilities ay may Vertical Helophyte Filter System o VHFS na isang mura at nature-based na sekondaryang teknolohiya sa paggamot o pagsala ng wastewater o marumi o gamît nang tubig.
Ang naturang proyekto ay pinondohan ng DOST-XI sa ilalim ng programang Community Empowerment thru Science and Technology o CEST at dinebelop naman sa pamamagitan ng mga programang Wastewater Treatment System Upgrading Program at Public Sanitation and Hygiene Upgrading Program. Ang dalawang programang ito ay may layong isulong ang kalinisan at mabawasan ang polusyong dulot sa kalikasan ng maling pagtatapon ng maruming tubig.
Ang pasilidad ay mayroong tig-dalawang banyo para sa lalaki at babae, isang apat na chamber na septic system, at isang 12 sq.m na VHFS na natural na gumagamot o sumasala sa maruming tubig bago ito dumaloy sa natural na kapaligiran.
Ang Vertical Helophyte Filter System
“Bukod sa Andap, may naitayo na rin kaming toilet facilities na may VHFS sa iba pang mahihirap na komunidad sa rehiyon tulad ng Barangay Tamugan. Nakapag-deploy na rin kami ng VHFS sa Davao Oriental State University para sa kanilang dormitoryo. Mulan 2018, ang VHFS ay naipamahagi na sa higit 20 benepisyaryo na parang mga micro, small and medium enterprises; publikong pasilidad; at maliliit na komunidad,” sabi ni Engr. Sean Ligtvoet, Project Officer II at Wastewater Consultant ng DOST-XI.
Sa nakalipas na limang taon, kinilala ng Department of Environment and Natural Resources – Environmental Management Bureau, ng Davao City Water District, ng City Environment and Natural Resource Office- Davao, ng City Planning and Development Office- Davao, ng Department of Public Works and Highways XI, at ng iba pang mga local government unit ang VHFS bilang epektibo, mura, at nature-based na sekondaryang teknolohiya sa paggamot o pagsala ng wastewater o marumi o gamît nang tubig. (Ni Rosemarie C. Señora,DOST-STII at impormasyon mula sa DOST-XI S&T Information and Promotion)