MENU

Sa mga liblib na lugar o mas kilala sa tawag na GIDAS o geographically isolated and disadvantages areas, isang malaking problemang kinakaharap ay ang pagkalat ng malnutrisyon na pinalala ng pandemya dulot ng COVID-19.

Upang matugunan ang problemang dulot ng pagkalat ng malnutrisyon na pinalala ng pandemya dulot ng COVID-19, nakipagtulungan ang Department of Science and Technology Region XI (DOST-XI), sa pamamagitan ng Provincial Science and Technology Center in Davao del Sur (PSTC-DS) sa Cor Jesus College – Br. Polycarp iComDev Foundation Inc. (CJC-BPICDFI) para magsagawa ng Community Empowerment thru Science and Technology (CEST) Program sa lalawigan.

Sa ilalim ng programa, iba’t ibang mga kagamitan sa pangangalagang pangkalusugan ang naipamahagi sa Brgy. Saliducon, Sta. Cruz, Davao del Sur tulad ng dalawang yunit ng foot-operated handwashing kiosks, dalawang yunit ng foot bath, at isang yunit ng blood pressure monitoring device. May ibinahagi ring pandagdag na mga gamit para sa pagpapakain o feeding program.

Ang naturang pagbabahagi ay pinangunahan ni PSTC-DS Officer-in-Charge Leah G. Mayol kasama sina PSTC-DS CEST staff na si Engr. Rogeren R. Selma at Community Engagement Assistant ng CJC-BPICDFI na si Wendell J. Ortiza.

Bukod sa mga ipinamahaging mga kagamitang pangkalusugan, nagsagawa rin ng science and technology (S&T) intervention sa pamamagitan ng 120-araw na pandagdag na feeding program sa Saliducon Day Care Center na sinimulan noong ika-4 ng Pebrero 2022. Kasama sa mga pagkaing ipinapakain ang ilan sa DOST-fortified food products tulad ng Iron Fortified Rice, Enhanced Nutribun, at Rice Mongo Crunchies.

Base sa pinakahuling health monitoring status ng mga mag-aaral, labing-isa o 11 sa 30 na kabataang kulang sa timbang ay mayroon na ngayong normal na kondisyon ng timbang, habang ang natira ay may nakitang pagbuti sa kanilang kalagayang pangkalusugan.

Ang naturang gawain ay bahagi ng tugon ng DOST sa mga pangangailangan ng pamayanan lalo’t higit ngayong panahon ng pandemya habang tinutugunan ang United Nation’s Sustainable Development Goals on Good Health and Well Being o ang SDG 3.

Tuloy-tuloy na pinapalakas ng DOST-XI ang mga pamayanan sa mga GIDAs sa ilalim ng CEST Program sa pamamagitan ng pagbibigay ng iba’t ibang S&T intervention sa kalusugan at nutrisyon, tubig at sanitasyon, pangunahing edukasyon at karunungang bumasa’t sumulat, kabuhayan at negosyo, at pagtugon sa panganib ng kalamidad at pagbabago ng klima. 

Ang CEST ay isang pambansang programa ng DOST na ipinatutupad ng mga opisina nito sa mga rehiyon upang makapagbigay ng kabuhayan at matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga pamayanan upang maiangat ang antas ng kanilang mga pamumuhay. (Ni Rosemarie C. Señora, DOST-STII at impormasyon mula sa DOST XI S&T Information and Promotion)