Ibinahagi ng tanggapan ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya o DOST sa CALABARZON ang ilang mga produktong pagkain bilang hatid-tulong sa mga lumikas mula sa mga bayan ng Agoncillo at Laurel sa lalawigan ng Batangas matapos ang kamakailang phreatomagmatic na pagbulahaw ng Bulkang Taal noong ika-anim ng Abril taong 2022.
Ang mga produktong hatid-tulong ay itinustos ng mga kasanggang negosyo ng tanggapan ng DOST sa Batangas. Ang produktong Enhanced Nutribun ay hinango mula sa Sweetie Pies Pasalubong Center na kasangga sa ilalim ng SETUP o Small Enterprise Technology Upgrading Program. Ang Rice-Mongo Crunchies naman ay nagmula sa Samahan ng mga Inang Gabay at Lakas ng Aktibong Komunidad na proyektong pampamayanan sa ilalim ng Grants-in-Aid Program.
Ibinahagi ang mga hatid-tulong sa mga likasan sa Paaralang Elementarya ng Barangay Pook sa Agoncillo at sa Bulwagang Pambayan ng Laurel.
Mahigit isang linggo nang namamalagi ang mga lumikas sa mga nasabing lugar dahil nasa Alert Level 3 pa rin ang bulkan bunga ng patuloy na pag-bulahaw nito.
Ang mga iba-ibang uri ng Enhanced Nutribun na nilikha ng Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) ay pinasagana sa sustansya tulad ng mga bitamina at mineral, kaya naman naaayon ito bilang pagkain para sa mga nasalanta ng kalamidad at mga batang dumadanas ng malnutrisyon. (Ni Allyster A. Endozo, DOST-STII at impormasyon mula sa DOST-CALABARZON)