MENU

“Imagine teachers using their laptops, flashing STARBOOKS contents on the TV screen while delivering their lectures to the students. What a wonderful sight!” 

Ito ang tinuran ni Department of Education (DepEDd)-General Santos City Schools Division Superintendent Romelito G. Flores, CESO V tungkol sa nalalapit na implementasyon sa nasabing dibisyon ng isa sa mga programa ng Department of Science and Technology o DOST.

Ang naturang programa ay ang Science and Technology Academic and Research-based Openly Operated Kiosks o STARBOOKS na isang kiosko na mapagkukunan ng napapanahong impormasyon tungkol sa agham, teknolohiya at inobasyon na dinesenyo upang magamit ng mga mag-aaral may koneksyon man sa internet o wala. 

Opisyal na inilunsad ang pagsisimula ng proyekto sa pamamagitan ng paglagda nina DOST-XII Regional Director Engr. Sammp P. Malawan at SDS Flores ng Memorandum of Understanding o MOU noong ika-5 ng Abril 2022 sa Division Office ng DepEd-GenSan sa Tiongson St., Lagao, General Santos City.

Sa kanyang talumpati, ibinida ni Dir. Malawan ang mga natatanging katangian ng STARBOOKS at kung ano ang mga benepisyo nito lalo na sa araw-araw na pag-aaral ng mga mag-aaral. Nagpaabot rin siya ng pasasalamat kay SDS Flores sa pakikipagtulungan nito sa DOST at sa aktibo nitong inisyatibo upang dalhin ang agham, teknolohiya, at inobasyon sa kanilang ahensya. 

Ang paglagda ng MOU ay pinadali ng PSTO-SarGen sa pangunguna ng OIC nitong si Provincial Director For. Nabil A. Hadji Yassin, kasama ang mga kawani sa kanilang opisinang pamprobinsyal.  

Lumahok din sa pagtitipon sina Assistant Schools Division Superintendent Dr. Carlos G. Susarno, CESE and ilang matataas na opisyal; Curriculum Implementation Division (CID) Chief Juliet F. Lastimosa; at Education Program Supervisors (EPS) na sina Edilbert A. Reyes (Science), Sally A. Palomo, (Learning Resources), Dr. Luzviminda R. Loreno (Values Education), at Senior Education Program Specialist-RMN Herven A. Allado.

Nagpahayag naman ng lubos na pagtanggap si ASDS Dr. Susano para sa STARBOOKS at siniguro niyang isasagawa ng DepEd-Gensan ang mga kinakailangan upang masimulan na ang programa sa lungsod sa lalong madaling panahon bilang paghahanda na rin sa limitadong harapang klase. Inilatag rin niya, kasama ni SDS Flores, ang mga inisyal na plano at istratehiya para sa proyekto.

Lubos na umaasa ang DOST-XII at DepEd-GenSan na ang pagtutulungang ito ay magbubunga ng maganda para sa mga paaralan sa General Santos City. (Ni Rosemarie C. Señora at impormasyon mula sa DOST-XII)