Upang mapayabong ang operasyon at produksyon, nagkaloob ng 2.5 na milyon ang Department of Science and Technology Regional Office IX (DOST-IX) sa kumpanyang Engr’s Steel Industry sa lungsod ng Dipolog.
Sa pamamagitan ng programang Small Enterprise Technology Upgrading Program o SETUP, nagawa ng nasabing kumpanya na makabili ng isang yunit ng Bottom Strip Forming Machine at isang yunit ng Spring Form Machine. Sa pamamagitan nito, may kakayahan na ang Engr’s Steel Industry na gumawa ng spring at bottom bar bilang isa sa pinakamahalagang materyales sa konstruksyon at pagbuo ng roll-up door.
Ang Engr’s Steel Industry ang unang kumpanya sa lalawigan ng Zamboanga del Norte na gumagawa ng spring at bottom bar.
Bago dumating ang suporta mula sa DOST IX, nag-aangkat pa ang nasabing kumpanya sa Cebu ng spring roll samantalang ang mga bottom bar naman ay kinakamay ng mga empleyado upang magawa ito.
Noong panahon ng pandemya, naapektuhan ang produksyon ng nasabing kumpanya gawa pagkaantala ng mga raw material.
Taos puso naman ang pasasalamat ng may-ari ng kumpanya na si Engr. Denis B. Tagab sa tulong na ipinagkaloob ng DOST upang tugunan ang pangangailangan sa kanilang operasyon at produksyon. Dagdag pa niya na makakatulong din ang mga panibagong kagamitan para sa mga kanilang kasalukuyang proyekto at pag-suplay ng mga materyales sa mga kustomer nila sa Zamboanga del Norte at sa mga malalapit na probinsya sa Visayas at Mindanao.
Ang SETUP ang isa sa mga itunuturing na programa ng DOST kung saan patuloy itong nagbibigay ng suporta sa mga micro, small, and medium enterprises o MSMEs na payabungin ang kanilang operasyon at produksyon at makasabay sa lokal at pandaigdigang merkado.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring makipag-ugnayan sa DOST IX Provincial Science and Technology Center sa Zamboanga del Norte sa (065) 212-2244/ 908-0117/ 0998-792-4622. Inaanyayahan din ang publiko na i-follow ang Facebook page ng DOST IX sa www.facebook.com/DOSTRegion9 (Ni Allan Mauro V. Marfal, DOST-STII at impormasyon mula kay Jelyn O. Bayonas, DOST-IX).