MENU

Binigyan ng Department of Science and Technology Regional Office I (DOST–I) sa pamamagitan ng Provincial Science and Technology Center sa Pangasinan (PSTC – Pangasinan) ng isang bamboo splitter machine ang mga mangagagwa ng kaing o bamboo basket sa Barangay Pasima sa Malasiqui bilang bahagi ng implementasyon ng Innovation, Science and Technology for Accelerating Regional Technology-Based Development (iSTART) Program.

Target ng iSTART Program na suportahan at panatilihin sa pamamagitan ng siyensya, teknolohiya, at pagbabago ang magandang kinikita ng lalawigan sa iba’t ibang uri ng negosyo.

Ang industriya ng ‘kaing’ ang isa sa inaasahang development fronts sa munisipalidad ng Malasiqui habang ang Bamboo Splitter Machine naman ang isa sa mga S&T intervention na naaangkop sa pagpapadali ng splitting process ng mga kawayan na ginagamit sa produksyon ng ‘kaing’, gayundin ay layunin nito na mas mapabilis at mas mapalaki ang matitipid sa gastusin.

Base sa nakaugalian, gumagamit ng gulok at maso ang mga mangagagwa ng ‘kaing’ para mahati ang mga kawayan. Pero maliban sa kumakain ng malaking oras sa produksyon, ay nagreresulta rin ito sa hindi pantay-pantay na laki ng mga kawayan.

Ang proseso ng paggamit ng matalim na itak saka pupukpukin ng maso ay mapanganib para sa mga mangagawa kaya naman sa pamamagitan ng upgrade na ito ay mababawasan na ang aksidente at magkakasinlaki na rin ang hati sa mga kawayan.

Pinangunahan ng mga kawani ng DOST PSTC – Pangasinan na sina Sheryl Ann E. Balmadres at Edward Ugale ang pagkakaloob ng nasabing equipment sa kapitan ng Barangay Pasima na si G. Gregorio A. Valdez Jr., kasama ang mga manggagawa ng ‘kaing’ na siyang pangunahing benepisyaryo nito.

Kinikilala ng iSTART program ang kahalagahan ng siyensya, teknolohiya, at pagbabago sa pagpapalakas ng mga industriya, lalo’t higit sa pagpapataas ng kalidad ng mga produkto ng mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) at makasabay ito sa ibang mauunlad na negosyo.

Samantala, magpapatuloy naman ang DOST-I sa pagpapatupad ng mga programa, gaya ng iSTART, para sa mas ikagaganda ng buhay ng bawat mamamayang Pilipino. (Ni Jerossa A. Dizon, DOST-STII at impormasyon mula kay Edward E. Ugale, DOST-I)