Dumaguete City, Negros Oriental- 28 na iskolar ng Department of Science and Technology (DOST) ang naglaan ng kanilang oras upang dumalo sa pagsasanay pagdating sa pagbibigay ng paunang lunas noong ika-anim ng Mayo sa Negros Oriental State University (NORSU) Main Campus I.
Ang naturang aktibidad ay bahagi ng Patriot Scholar Program ng DOST-Science Education Institute, katuwang ang DOST Negros Oriental.
Binigyan-diin ni Ms. April Rose Ramirez ng Philippine Red Cross (PRC) Negros Oriental ang pagkakaroon ng sapat na kalaman sa pagbibigay ng paunang lunas lalo na sa panahon ng mga aksidente, sakuna, at iba pang mga hindi inaasahang insidente.
Bilang bahagi ng kanilang adbokasiya, boluntaryong magsisilbi bilang emergency responders ang mga nasabing DOST iskolar sa kani-kanilang lugar.
Ibinihagi ni Ergielyn B. Luyas, isang DOST iskolar na kumukuha ng kursong Bachelor of Secondary Education in Science sa NORSU, na mahalaga para sa kanya ang magkaroon ng sapat na kalaaman at kakayahan pagdating sa paunang lunas lalo na kung ang kanyang mga kamag-anak, kaibigan, at kababayan ang nangailangan nito sa hindi inaasahang pagkakataon.
Samantala para naman kay John Harvey G. Rosales, isang DOST iskolar din mula sa Siliman University na ang pagkatuto pagdating sa pagbibigay ng paunang lunas ay napalaking tulong sa ating buhay. Aniya, magsisilbing kasanayan natin ito na maging handa sa anumang insidente at higit sa lahat ay may lakas na loob na maisagawa ito ng maayos at epektibo.
Sa kanyang mensahe, hinamon ni DOST Negros Oriental Provincial Director Gilbert R. Arbon ang mga DOST iskolar na lagpasan pa ang mga bagay na inaasahan sa kanila ng karamihan lalo’t sa mga bagong kaalaman at kasanayan na kanilang natutunan. Aniya, para sa bansang nagnanais na maging lagging handa sa mga kalamidad, napakalaking bagay na mapasama ang mga DOST iskolar mapabilang sa rango ng mga first responder. (Ni Allan Mauro V. Marfal, DOST-STII AT impormasyon mula kay Marjorie B. Solon at Reinhold Jek Y. Abing, PSTC-Negros Oriental)
Ipinapakita ng instructor mula sa PRC ang tamang pagsasagawa ng tinatawag na cardiopulmonary resuscitation o CPR. (Larawan mula sa DOST Negros Oriental)
28 na DOST iskolar ang sinamay ng Philippine Red Cross Negros Oriental pagdating sa pagbibigay ng iba’t ibang paunang lunas. (Larawan mula sa DOST Negros Oriental)