MENU

Upang matulungang makapagsimula ng sarili nilang community enterprise, sumailalim sa isang training para sa paggawa ng mga produktong mula sa buko ang mga kababaihang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Sitio Masasa, Brgy. San Juan, Tingloy, Batangas noong ika-17 hanggang ika-18 ng Mayo.

Kasama sa itinuro sa kanilang training ang pag-proseso ng coconut jam, macapuno/buko pastillas, buko yema, at buko juice. 

Ang mga teknolohiya at kaalaman sa pagproseso ng mga produktong ito na ibinahagi sa mga benepisyaryo ay dinenelop ng the Institute of Food Science and Technology (IFST) ng University of the Philippines Los Baños (UPLB). Kasama sa mga tagapagsalita sa training sina Dr. Florencio C. Reginio, Jr. (Assistant Professor 7) at Prince Joseph V. Gaban (Science Research Specialist I) na parehong ula sa IFST-UPLB.

Bukod pa rito, tinuruan din ang mga benepisyaryo ng Basic Food Hygiene at Good Manufacturing Practices upang masiguro ang pag-implementa ng food safety system at ang pagsaayon ng proseso sa tamang standard. Nagkaroon din ng hands-on activity ang mga kalahok sa pagproseso ng bawat produkto na nakaayon sa istriktong food safety standard. Layon ng training na palawigin ang kaalaman ng mga kababaihang benepisyaryo upang matulungan sila sa pagbuo ng sarili nilang community enterprise.

Sa tuluy-tuloy na paglakas ng industriya ng turismo sa Sitio Masasa beach na kilala sa publiko mula 2017, malaki ang maitutulong ng mga lokal na delikasiya at mga produktong pang-turismo sa pagpapalawig ng mga oportunidad sa kanilang komunidad.

Isa ang Tingloy, Batangas sa mga lugar na matatawag na “geographically isolated and disadvantaged area”. Kaya naman sa tulong ng programang Community Empowerment through Science and Technology (CEST) ng Department of Science and Technology (DOST) sa pangunguna ng DOST-CALABARZON, nabigyan ng teknikal na tulong ang komunidad sa layong makabuo ng sarili nilang community enterprise na naka-sentro sa pagproseso ng mga lokal na delikasiya at produktong pang-turismo. 

Ang CEST ay isa sa mga programa ng DOST naglalayong mabigyan ng anghop na kapasidad sa tulong ng siyensya at teknolohiya ang mga rural na komunidad upang umunlad sa iba’t ibang aspeto tulad ng kalusugan, nutrisyon, kalikasan, edukasyon, at iba pa. (Ni Jasmin Joyce P. Sevilla, DOST-STII at impormasyon mula sa DOST-CALABARZON)