MENU

Isang kasunduan ang nilagdaan ng Department of Science and Technology Regional Office VIII at Eastern Visayas State University (EVSU) para sa patuloy na operasyong ng Eastern Visayas Food Innovation Center (EVFIC).

Ang naturang Memorandum of Agreenment o MOA ay nilagdaan noong ika-18 ng Mayo 2022 sa ORDEx Studio Room ng EVSU sa Tacloban City. 

Ang bagong proyekto na pinondohan mula sa Grants-in-Aid Program ng DOST-VIII at may pamagat na “Strengthening the Product Development Services of EVFIC for Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) in Eastern Visayas ay may layuning maipagpatuloy ang mga serbisyo ng EVFIC na tumutulong sa mga lokal na food processor na madebelop ang kanilang mga ideya at konsepto upang maging makabago at mabiling produkto, makapagsagawa ng mga pagsasanay sa proseso ng pagdedebelop ng pagkain at teknikal na konsultasyon para sa mga mag-aaral at nagpoproseso, at pati na rin ang mga serbisyo sa paggawa ng pabalat at etiketa ng mga produkto.

Sa kanyang mensahe, nagpahayag ng pasasalamat si EVSU University President na si Dr. Dennis de Paz sa tuloy-tuloy na pakikipagtulungan sa DOST VIII at pag-asa sa ginagampanang papel ng proyekto upang gawing ganap na produkto ang mga konsepto at maisulong pa ang inobasyon at sari-saring uri ng mga produktong pang-agrikultural at pampalaisdaan na katutubo sa naturang rehiyon.

Sa mensaheng ipinaabot ni DOST VIII Regional Director Engr. Ernesto M. Granada sa pamamagitan ni DOST VIII Assistant Regional Director for Technical Operations na si Marilyn O. Radam, pinagtibay niya ang pangako ng ahensya na matupad ang mga mithiin para sa EVFIC na maging sentro ng inobasyon, pananaliksik, at iba pang serbisyong pangsuporta upang mapataas ang halaga ng mga sariwang ani at pagdebelop ng naprosesong pagkain. 

Sa pamamagitan din ng naturang food innovation center, inaasahang mas mapapalapit ang mga makabagong teknolohiya, teknikal na kadalubhasaan, at mga kinakailangang imprastraktura at iba pang pasilidad sa mga micro, small, at medium enterprise o MSME, na nasa siyudad o liblib na lugar para sa mas epektibong paggamit at paglipat ng teknolohiya, at komersiyalisasyon para mapanatili at maiangat pa ang pag-unlad ng ekonomiya.

Sa kanya namang talumpati, ikinuwento ni Dr. Hilaria Bustamante, direktor ng EVFIC kung paano isinulong ng administrasyon ng EVSU ang pagtatayo ng naturang center kahit na nga hinagupit ito ng bagyong Yolanda noong 2013 at ang mga napagtagumpayan nito sa mga nakalipas na taon.

Dumalo sa pagtitipon sina Dr. John Glenn Ocaña, Leyte Provincial S&T Director; Dr. Lucia Dauz, GIA Regional Coordinator, at si Dr. Benedicto Militante, VP for Research and Development and Extension. 

Ang iba pang opisyal mula EVSU na dumalo ay sina: Dr. Lydia Morante, VP for Academic Affairs; Dr. Danilo Pulma, VP for Internationalization and External Affairs at dekano ng College of Technology; Dr. Rose Anna Refuerzo, dekana ng College of Business and Entrepreneurship; Prof. Mark Rembert Patindol, EVFIC Operations Manager; Marlene Lim, Director for Finance Services; Ms. Celedonia Cabillan, Budget Office Head; at iba pang empleyado mula EVSU at DOST-VIII. (Ni Rosemarie C. Señora, DOST-STII at impormasyon mula sa DOST-VIII)