Ang kamoteng kahoy, na isa sa paboritong sangkap sa hapag-kainan ng mga Pinoy, ay isa sa mga pananim na lamang-lupa na maaaring gawing sangkap sa iba’t ibang putahe o kahit nga bilang panghimagas.
Sa mataas na lupa ng Tanay, Rizal, ito ang pangunahing tanim na pinagkakakitaan ng mga magsasaka lalo na kung masagana ang kanilang naging ani.
Upang tulungang mapaunlad ang kanilang kaalaman at kakayahan sa pagtatanim ng kamoteng kahoy, nakipagtulungan ang Department of Science and Technology Regional Office IV-A (DOST IV-A) sa Department of Agrarian Reform – Rizal Province (DAR-Rizal) upang tulungan ang Organization of Agrarian Reform Beneficiary Farmers of Inalsan, Inc. o OARBFII at makapagsagawa ng tatlong araw na pagsasanay sa pagtatanim ng kamoteng kahoy na ginanap mula ika-4 hanggang ika-6 ng Mayo 2022.
Matatagpuan sa mataas na bahagi ng Sitio Pantay, Barangay Tandang Kutyo, Tanay, Rizal, ang OARBFII ay isa sa mga organisasyong tinutulungan ng DAR-Rizal na ang pangunahing ikinabubuhay ay pagtatanim ng kamoteng kahoy.
Pinangunahan ni Dr. Alexander Abrazado, dekano ng College of Agriculture ng University of Rizal System – Tanay Campus ang pagtuturo ng iba’t ibang pamamaraan at istratehiya upang maparami ang maaning kamoteng kahoy.
Sa unang araw ng pagsasanay ay itinuro niya ang mga preparasyon na kailangan para sa lupa at pinagputulan o cuttings, pagpapayaman ng nutrisyon ng lupa (organiko o hindi organiko), layout, pagtatanim, pagtatanggal ng damo, proteksyon laban sa mga peste, at pag-aani.
Si Dr. Abrazado habang nagtuturo sa mga miyembrong magsasaka ng Organization of Agrarian Reform Beneficiary Farmers of Inalsan, Inc. (OARBFII).
Sa sumunod na araw naman ng pagsasanay ay ipinakita ni Dr. Abrazado ang aktwal na pamamaraan ng paghahanda sa lupa bago itanim ang mga kamoteng kahoy.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang mga miyembrong magsasaka ng OARBFII para sa mga bagong kaalaman na kanilang natanggap na nagpapakitang ang agham ay tunay ngang para sa mga Pilipino. (Ni Rosemarie C. Señora, DOST-STII)
Ang mga magsasaka habang nagsasanay sa paghahanda ng lupang tataniman ng kamoteng kahoy.