MENU

Tunay ngang isang malaking delubyo ang naidulot ng pandemya sa buong bansa. Kabilang sa mga nasalanta ng krisis sa kalusugan ang mga industriya at mga negosyo.

Kaya naman handog ng Department of Science and Technology Region VI (DOST VI) sa Kanlurang Kabisayaan (Western Visayas) ang “The Road to Recovery Program”, isang malawakang programa na naghahandog ng mga oportunidad na magpapalakas sa mga micro-, small- and medium-scale enterprises o MSMEs para makabangon.

Pinaliwagan ni DOST VI Regional Director Rowen R. Gelonga na layon ng nasabing programa na mapataas ang kalidad o marketability ng mga produkto sa Western Visayas sa pamamagitan ng Small Enterprise Upgrading Program o SETUP. Layon din ng programa na makahanap ng posibleng pagtutulungan o collaboration sa pagitan ng buong DOST at pribadong sektor.

Tampok ang panayaw kay Dir. Gelonga sa programa naman ni Bing Kimpo ng Presidential Communications Operations Office.

Dagdag ni Gelonga, layon din ng buong DOST na maiangat o i-promote ang pagsasaliksik sa buong rehiyon. Ibinida ni Gelonga ang Center for Natural Drug Discovery and Development sa University of San Agustin at Regional Yarn Production and Innovation Center bilang natatanging halimbawa ng pagsasaliksik sa Iloilo.

Binanggit din ni Dir. Gelonga ang ilan sa mga matagumpay na kolaborasyon ng DOST at ng pribadong sektor gaya ng Metallica Marine Consultancy, Fabrication, and Services on the Hybrid Trimaran sa Aklan, RU Foundry, at Machine Shop Corporation. Dinagdag din ni Dir. Gelonga ang Herbanext Laboratories, Inc. bilang kauna-unahang partner ng Tuklas Lunas Program ng DOST- Philippine Council for Health Research and Development at benepisyaryo ng DOST’s Business Innovation through S&T Program.

Kasama din sa panayam si Dir. Annabelle Briones ng DOST-Industrial Technology Development Institute na siyang nagpamahagi ng iba’t ibang programa at serbisyo ng buong kagawaran na makatutulong sa mga MSMEs. (Ni David Matthew C. Gopilan, DOST-STII)