Nagsagawa ng benchmarking sa apat na loom weaving centers sa Ilocos Norte ang Department of Science and Technology Region I sa pamamagitan ng Community Empowerment through Science and Technology (CEST) program katuwang ang Mariano Marcos State University (MMSU) at lokal na pamahalaan ng Dumalneg bilang bahagi ng Innovation on Native Attire Bracing and Encouraging Livelihood (INABEL) project.
Pakay ng aktibidad na suportahan ang produksyon ng government-created enterprises gaya ng Dumalneg Inabel Association sa pamamagitan ng pag-alam sa mga kinakailangang kagamitan at materyales at pagpapakita ng mga pinakamahuhusay na kasanayan at pamamaraan ng mga kilalang loom weavers o mga manghahabi sa kanilang rehiyon.
Ayon sa DOST Region I, naniniwala sila na ang naturang proyekto ay may potensyal para sa commercial opportunity na makatutulong sa pagpepreserba at pagpapayaman sa kultura ng mga benepisyaryo.
Masaya namang ibinahagi ni Dr. Lawrence A. Eclarin, principal investigator ng proyektong Abel Iloko at tagapangulo ng Department of Mathematics ng MMSU na maglalaan ng pondo ang unibersidad para sa mga makinaryang gagamitin sa paghahabi ng Dumalneg weavers’ association.
Habang nagpasalamat naman si Bb. Mary Jane Garvida, presidente ng nabanggit na asosasyon sa mga naging punong-abala para matupad ang proyekto. Napaalalahanan din aniya siya kung gaano kahalaga ang Inabel sa mga manghahabi.
Kabilang sa mga binisitang komunidad ang MMSU Weaving Center at Mumulaan Loomweavers Association sa Paoay; Manlilikha ng Bayan Loomweavers Association sa Brgy. Lumbaan – Bicbican, Pinili; at San Jose Multi-Purpose Cooperative (SJMPC) sa Brgy. San Jose, Sarrat, Ilocos Norte, na kilala bilang Regional Handloom Weaving and Innovation Centers (RHWIC) na gumagawa ng mga produkto gaya ng binakol.
Dagdag pa rito, isinama na sa CEST program ang Gender and Development (GAD) para masiguro ang paghahatid ng mga benepisyo ng Science & Technology (S&T) sa lahat ng komunidad anuman ang kanilang kasarian. (Ni Jerossa A. Dizon, DOST-STII at impormasyon mula sa DOST-I)