Isa sa mga hamon sa pagkatuto ng automotive technology ay ang teknikal na puwang sa mga mag-aaral. Nangangailangan kasi ito ng aktwal na karanasan ng interaksyon sa mga parte ng sasakyan at demonstrasyon na ipapakita ng sinumang nagtuturo – na kadalasang nangangahulugan nang mahal na bayad.
Ito ang problemang sinagot ng “Trainer Model for Instructional Automotive Charging System with Automatic Voltage Regulator and Integrated Circuits” o “Autocharge” na isang makabago, mura, at ligtas na gamitin bilang modelong tagapagsanay para sa pagtuturo ng automotive charging system.
Sa tulong ng Autocharge, mas mura na ang pag-aaral na may aktwal na pagsasanay sa automotive charging system. Ang charging system ng naturang imbensyon ay may dalawang sirkito o circuit: isang Integrated Circuit at isa namang Automatic Voltage Regulator Circuit. Mayroon na rin itong kasamang manwal at sesyon para sa pagsasanay ng mga tagapagturo.
Ang naturang imbensyon ay likha ni Mr. Rene M. Chavez bilang imbentor at technical lead kasama ng grupo mula sa Bukidnon State University o BukSu na matatagpuan sa Rehiyon 10. Ang grupo ay pawang mga kalahok sa Department of Science and Technology (DOST) 2019 Regional Invention Contests and Exhibits (RICE) at itinanghal bilang isa sa mga nagwagi sa taong iyon.
Ang pagkapanalo nila ang naging daan upang matanggap ang imbensyon para sa isang technology-entrepreneurship training na may pamagat na “Transforming R&D Outputs into Innovations through Technopreneurship and Customer Validation” o TransDI na may layong tulungan ang mga nanalo sa RICE na maprotektahan, mailipat, at mailabas sa merkado ang kanilang mga imbensyon.
Para sa mga nais na makipag-partner sa Autocharge, lalo na ang mga paaralan na nagtuturo ng automotive courses, maaaring kontakin ang grupo sa pamamagitan ng pagpapadala ng email sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. o tumawag sa (088) 813-5661 to 5663. (Ni Rosemarie C. Señora, DOST-STII at impormasyon mula kay Jesther Marlou Orong ng DOST-X)
Klase sa isang automotive course kung saan ginagamit ang Trainer Model for Instructional Automotive Charging System. (Larawan mula sa DOST-X)