Upang matulungang makabalik at makapagsimula ng kabuhayan, ang Department of Science and Technology (DOST), sa pamamagitan ng Batangas Provincial Science and Technology Center (PSTC-Batangas), ay patuloy na nagsasagawa ng mga programang pangkabuhayan para sa mga pamayanan na apektado ng pagputok ng bulkang Taal.
Sa ilalim ng “Community Empowerment thru Science and Technology (CEST) for Disaster-Stricken Areas in Batangas Province” program, nagsagawa ng pagsasanay sa paggawa ng hollow blocks ang PSTC-Batangas para sa piling mga benepisyaryo mula sa mga bayan ng Agoncillo, San Nicolas, at Laurel, Batangas na isinagawa noong ika-6 ng Hunyo 2022 sa Materials Recovery Facility ng bayan ng Laurel na matatagpuan sa Brgy. Molinete.
Pinangunahan ni Jenalyn O. Narvarte, punong tagapamahala ng Asosasyon ng Dacanlao sa Higit na kaunlaran (ADHIKA) Producers Cooperative na community-based beneficiary ng PSTC Batangas na matatagpuan sa Brgy. Dacanlao, Calaca, Batangas ang pagsasanay para sa
Ang programa ay may layong makapagtayo ng mga negosyo sa paggawa ng hollow block upang makatulong na maibangong muli ang kabuhayan ng mga komunidad sa tatlong nabanggit na munisipalidad.
Ayon sa isinagawang technology needs assessment ng PSTC-Batangas sa mga punong lungsod at mga ulo ng iba’t ibang departamento, ang pagtatayo ng negosyo sa paggawa ng hollow blocks ang lumabas na isa sa mga negosyong may mataas na potensyal na makatulong at makapagsuporta ng mga pamilya na ang mga bahay ay nasira ng naturang kalamidad at mga indibidwal na umaasa sa kabuhayan upang mabuhay.
Ang mga pasilidad para sa pag-oopera ng mga itatayong negosyo ay inilagay sa mga estratehikong mga lokasyon sa bawat munisipalidad upang masiguro ang kita at tuloy-tuloy na pagbibigay ng trabaho. Nauna nang naibigay ang mga kagamitan at iba pang kasangkapan na kinakailangan sa produksyon ng hollow blocks sa mga natukoy na lugar noong ikalawa ng Pebrero 2022.
Matapos ang pagsasanay, inaasahang masisimulan na ng mga komunidad ang kani-kanilang negosyong pang-kabuhayan. (ni Rosemarie C. Señora ng DOST-STII at impormasyon mula kay John Maico M. Hernandez ng DOST-CALABARZON)