MENU

Inilunsad ng Department of Science and Technology (DOST) noong ika-14 ng Hunyo 2022 ang huling serye ng librong 'Science for the People' na siyang naglalahad ng mga kwento ng tagumpay ng iba't ibang programa at serbisyo ng ahensya sa nakalipas na anim na taon.

Ang huling serye ay binubuo ng limang libro: ‘Science for Arts’, ‘Science for Resilience’, ‘Science for Healing’, ‘Science for Awareness’, at ‘Science for Business’. 

Naging katuwang naman ni Secretary Fortunato T. de la Peña sa pagsusulat ng mga librong ito ang ilang mga eksperto mula sa DOST.

Ang ‘Science for Arts’ ay isinulat ni DOST-National Research Council of the Philippines Executive Director Marieta B. Sumagaysa. Ibinabahagi rito kung paano nagsilbing instrumento ang siyensya, sining, at kultura para tulungan paunlarin ang ilang komunidad sa bansa.

Ang 'Science for Resilience'  naman ay isinulat ni DOST Undersecretary for Scientific and Technical Services Renato U. Solidum, Jr. Inilalahad dito ang mga serbisyo at programa ng DOST hingil sa mga natural na kalamidad kagaya ng bagyo, lindol, at pagputok ng mga bulkan gayundin ang istorya ng mga komunidad sa bansa na nakinabang sa mga ito. 

Ang ‘Science for Healing’ naman ay isinulat nila DOST-Philippine Council for Health and Research Development Jaime C. Montoya at DOST Assistant Secretary Maridon O. Sahagun. Naibabahagi rito ang mahalagang papel na ginampanan ng mga Pilipinong siyentista at kanilang mga inobatibong pagsasaliksik gayundin ng DOST upang matulungan ang bansa sa panahon ng pandemya. 

Ang 'Science for Awareness' naman ay isinulat ni DOST-Science and Technology Information Institute Director Richard P. Burgos. Inilalahad dito ang mga programa at serbisyo ng DOST sa pabuo ng mga produkto at content material upag mas lalong maunawaan ng publiko ang mga benepisyong naihahatid ng siyensya at teknolohiya sa iba't ibang komunidad sa bansa. 

Ang 'Science for Business’ naman ay isinulat ni DOST- Technology Application and Promotions Institute Director Marion Ivy Decena. Matutuklasan dito ang kwento ng tagumpay ng mga Pilipinong imbentor at inobator na natulungan ng DOST. 

Nagagalak si Secretary de la Peña sa pagpapakilala ng mga libro na ito. Ang  bawat isa ay nagpapakita kung paano ang mga programa at serbisyo ng DOST ay nakatulong sa paghahatid ng kabuhayan at trabaho sa maraming Pilipino. 

“Sa pamamagitan ng mga librong ito, maraming istorya ang naibahagi lalo mula sa karanasan ng ating mga Pilipinong galing sa iba’t ibang sektor  na natulungan umunlad ng mga pananaliksik ng ating mga siyentista,” ayon kay Sec. de la Peña.

Samantala, ang unang serye ng naturang libro ay inilunsad noong ika-21 ng Nobyembre 2021. Kinabibilangan din ito ng limang libro: 'Science for Cooperation', 'Science for Human Capital', ' Science for Innovation', 'Science for Change', at Science for Communities'. 

Inilunsad noong ika-14 ng Hunyo 2022 sa Richmonde Hotel sa Lungsod Quezon ang huling serye ng ‘Science for the People’ book. (Kuha ni Henry A. de Leon, DOST-STII)