Simula Agosto 2022, ipapamahagi ng Department of Science and Technology-Technology Application and Promotion Institute (DOST-TAPI) ang unang edisyon ng kanilang libro na pinamagatang “Towards Attainment of Progress through Innovation.”
Matapos ang naunang paglunsad nito sa anibersaryo ng ahensya noong ika-13 ng Mayo 2022, layon ng DOST-TAPI na magsagawa pa ng pisikal at virtual na aktibidad upang maipamahagi ang mga kopya ng libro kung saan ibinibida ang walong Pilipinong imbentor sa iba’t iba pang sektor, kasama ang mga DOST Regional Offices at mga katuwang na ahensya sa loob ng sektor ng inobasyon.
Kasama rin sa naunang paglulunsad ng libro ang pagbibigay ng pagkilala sa mga Pilipinong imbentor na nagbahagi ng kanilang mga kwento at karanasan upang magsilbing inspirasyon at punan ang mga pangunahing pahina ng unang edisyon ng libro na pinamagatang “Tanaw”. Ipinakita rin sa paglulunsad ang ilang bahagi ng malikhaing proseso sa likod ng pag-debelop ng libro.
Nilikha ni Danielle Florendo, visual artist mula sa Baguio City, ang book cover ng “Tanaw”.
Kabilang din ang “Tanaw” sa kampanyang “Humans of TAPI” kung saan ipinapakita ang iba’t ibang imbentor, siyentista, at eksperto sa kani-kanilang sektor at ang kani-kanilang perspektibo sa inobasyon. Isang parangal na maituturing ang aklat na ito para sa komunidad ng siyensya at teknolohiya sa bansa lalo’t bida rito ang kwento ng mga Pilipinong imbentor na siyang benepisyaryo ng mga programa ng DOST-TAPI. Sa librong ito, ikinukwento ng mga imbentor sa kanilang perspektibo ang mga pangyayari sa kanilang buhay sa larangan ng siyensya at ang kanilang mga personal na paniniwala at pangarap na nagtulak sa kanila upang gawing realidad ang kanilang mga imbensyon.
“The book aims to recognize not just the masterpiece of our inventors, but most importantly shed light on their stories of success as well as their stories of struggles and failures,” ayon kay dating DOST Sec. Fortunato T. de la Peña.
“Our hope is to take people into the journey of exploration and breakthroughs through the unique narratives of our inventors,” dagdag pa niya.
Ang “Imbentor ng Bayan” ay isang audiovisual presentation na layong bigyan ng pagkilala ang walong Pilipinong imbentor na bida sa librong, “Tanaw”.
Bida sa librong “Tanaw” ang mga kwento ng buhay ng walong baguhan at beteranong Pilipinong imbentor na sina Catherine “CK” Santos, Jeremy De Leon, Miriam Banlawe, James Bryan Camacho, Rodrigo Duque, Jericho Castro, Maridinio Azores, at Junior De Jesus. Sa kabila ng iba’t ibang pinanggalingang industriya at mga larangan, nagawa ng mga imbentor na ito na makapagbigay-solusyon sa pamamagitan ng kanilang mga imbensyon upang makatulong sa ilang mga problema ng komunidad at ng bansa.
“Now more than ever, we play a key role in recognizing the talent, perseverance, and knowledge of such inventors to spearhead the encouragement of aspiring innovators and inventors in the country,” dagdag pa ni dela Peña.
“Having a creative or inventive mind is not merely measured by social class, educational background, or disposition in life as ultimately anyone can become an inventor or innovator,” paliwanag ni DOST-TAPI Dir. Atty. Ivy Decena, na siyang nanguna sa pagdebelop ng libro.
Samantala, layon din ng libro na ipakita ang malaki at kritikal papel na ginagampanan ng mga ahensya ng gobyerno, gaya ng DOST-TAPI, upang matulungan ang mga imbentor. Ipinahiwatig naman ni Atty. Decena ang kaniyang pagnanais na sa pamamagitan ng “Tanaw” ay mas marami pa silang matulungang Pilipinong imbentor na makikinabang sa sa mga programa ng DOST-TAPI.
Isinusulong naman ng DOST-TAPI ang portfolio ng mga teknikal at pinansyal na programa, na kasama rin sa libro. Ito ay ang mga Concept Prototyping Program, Industry-Based Invention Development (iBID) Program, Invention-Based Enterprise Development (iBED) Program, Intellectual Property Rights Assistance Program (iPRAP), at Invention Testing and Laboratory Analyses Assistance Program.
Ginanap ang unang paglulunsad ng “Tanaw” sa “DOST-TAPI Roadmap and Stakeholders Recognition” na ginanap noong ika-13 ng Mayo 2022 sa Novotel Manila Araneta City, Quezon City.
Para sa karagdagang impormasyon sa distribusyon ng “Tanaw”, maaaring bisitahin ang Facebook ng DOST-TAPI o ng I-INVENT PH. Para sa iba pang programa ng DOST-TAPI, bisitahin ang techtrans.gov.ph o ang tapi.dost.gov.ph. (Ni Jasmin Joyce P. Sevilla, DOST-STII at impormasyon mula kay Krystal Szeg Vitto, DOST-TAPI)