MENU

Ang mga tangkay ng bunga o peduncles na natira mula sa pag-proseso ng punong-saging na saba o Musa paradisiaca ay maaaring gamitin sa paggawa ng mga tablang insulasyon kontra init o thermal insulation boards.

Ito ang natuklasan ni Engr. Gilberto N. Sapin, isang mananaliksik sa Department of Science and Technology–Forest Products Research and Development Institute (DOST-FPRDI) na bumuo ng sanaysay o master’s thesis bilang mag-aaral sa patnubay ni Dr. Leslie Joy L. Diaz ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman.

Ayon sa paunang kaalaman ng kanyang pag-aaral, bagamat nangangaliangan pa ng pagsasaayos sa timpla ng mga entrepanyo o panels nito, maaasahan ang mga hiblang hango sa tangkay ng bungang saba sa paggawa ng mga tablang komposito, na angkop gamitin sa mga bansang tropikal tulad ng Pilipinas.

Napag-alaman din sa isang paunang pag-aaral na maasahan din sa parehong layunin ang mga hibla mula sa saging na lagkitan o Musa acuminata. Pandaigdigang ginagamit sa kasalukuyan ang mga kompositong gawa sa hiblang natural sa pagbuo ng mga kaing, bahagi ng sasakyan, at bahagi ng bahay o gusali tulad ng sahig, pader, at kisame.

Ang Pilipinas, bilang isa sa mga pinakasaganang umaani ng bungang-saging sa buong daigdig, ay naglalabas ng humigit-kumulang 1.35 kilogramo taun-taon na tira-tirang tangkay ng bunga na—sa halip na hayaang mabulok sa mga taniman—ay maaaring gamiting sa paggawa ng mga tablang komposito (Allyster F. Endozo, DOST-STII at impormasyon mula kay Rizalina K. Araral, DOST-FPRDI)