MENU

Sa isang virtual presser ay ipinakilala ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development sa ilalim ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang mga maaasahang bagong variety ng mangga na nakikitang magbubukas ng mga bagong oportunidad para sa mga magsasaka.

Napanood sa Facebook page ng DOST-PCAARRD, ang naturang virtual presser ay nagsilbing platform para ibida ang mga tagumpay ng katatapos lamang na anim at kalahating taon na programang ‘Enhancing the Competitiveness of Philippine ‘Carabao’ Mango through Varietal Improvement’ na isinagawa ng University of the Philippines Los Baños o UPLB.

Sa kanyang pambungad na talumpati, binigyang-diin ni DOST-PCAARRD Executive Director Reynaldo V. Ebora na ang manggang kalabaw ng Pilipinas na kilala sa internasyunal na pangalan na ‘Manila Super’ ay ang natatanging variety o klase ng mangga na maaaring i-export o dalhin palabas ng Pilipinas na nagdudulot ng limitadong kumpetisyon sa industriya dahil sa limitadong variety na maaaring i-export.

Ito ang dahilan kaya nagkaroon ng kauna-unahang mango breeding program ang bansa na may layunin din mapataas ang resistensya laban sa peste at sakit, maitaas ang produksyon ng maaaring i-export na klase ng mangga, at mapahaba ang buhay ng mangga.

Nagsilbi namang resourse speaker ng pagtitipon si program leader Carolyn E. Alcasid ng Institute of Plant Breeding (IPB) at siyang nagbahagi ng siyam na bagong variety at selection ng mangga na natukoy sa ilalim ng programa.

Nilinaw ni Alcasid na ang salitang ‘variety’ ay tumutukoy sa mango selection na nakarehistro na sa National Seed Industry Council (NSIC) habang ang ‘selection’ ay tumutukoy sa isang tukoy na klase ng mangga na may kakaiba at maaasahang mga katangian.

Dalawang bagong NSIC-registered na variety, ang ‘Mangoming’ at ‘Farrales’, ang ilan sa mga bumida sa kanyang presentasyon, na may potensyal bilang processing at table-type mango.

Ipinakilala rin ang mga mango selection na tinawag na ‘Carotene, ’‘Kyla Luz,’ ‘Tommy Atkins,’ at apat na ‘Carabao’ strains na tinawag na ‘IPB Carabao 1,’FOC Accession Nos. 12-053, 12-209, at 12-127 na natukoy na may potensyal dahil sa mga natatanging katangian tulad ng resistensya laban sa peste tulad ng fruit fly at anthracnose, makapal na balaw, at mamula-mulang kulay ng balat nito.

Marami namang stakeholder mula sa industriya ang nagpaabot ng kanilang interes sa availability ng naturang mga mango variety at selection.

Ayon kay Alcasid, magkakaroon ng mga planting materials ang mga ibinidang mango selection sa katapusan ng taon kapag ang mga ito ay naaprubahan na ng Germplasm atTechnology Release and Registration Office ng IPB-UPLB.

“We need more plant breeders in our country to catch up with other countries, especially with the fast-changing markets and environment. Fruit breeding is fun, especially if you aim to produce a new variety that will really benefit the people,” ani Alcasid habang kausap ang mga naglalayong maging mango breeder.

Dumalo rin sa pagtitipon ang ilang media representative, mango grower, mananaliksik, mag-aaral at iba pang interesadong indibidwal sa buong bansa.

Ang naturang virtual presser ay isinagawa ng Crops Research Division sa pangunguna ni DOST-PCAARRD CRD Officer-in-Charge Dr. Allan B. Siano at ISP Manager for Mango na si Ma. Cecilia S. Alaban. (Ni Rosemarie C. Señora, DOST-STII at impormasyon mula kay Danica Louise C. Sembrano ng DOST-PCAARRD