Sumailalim sa dalawang araw na pagsasanay sa paggawa ng iba’t ibang social media content at broadcast materials, lalo na iyong may kinalaman sa siyensya at teknolohiya ang nasa 60 na Science at Math teachers mula sa 20 pribadong paaralan sa lalawigan ng Cavite.
Ginanap noong ika-14 hanggang ika-15 ng Hulyo 2022 sa St. Francis of Assisi College sa lungsod ng Bacoor sa Cavite ang seminar na pinamagatang “Communicating Science through Social Media Posting and Digital Broadcasting”
Pinangunahan ito ng Department of Science and Technology-Science and Technology Information Institute o DOST-STII, katuwang ang Association of Science and Mathematics Educators of the Philippine Private Schools o ASMEPPS.
Layunin ng nasabing aktibidad na linangin ang kaalaman at kakayahan ng mga guro sa pagbuo ng iba’t ibang info materials na nagpapaliwanag sa mga benepisyo ng siyensya at teknolohiya na siyang naakma sa mga multimedia platform kagaya ng Facebook, Instagram, Twitter, TikTok, at YouTube.
Nagsilbing mga resource speaker ang mga resident at young expert mula sa DOST-STII na kinabibilangan nila Jachin Jane Aberilla, Lanquin Seyer Gacusan, Carmela Aguisanda, at Resty R. Balila.
Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga dumalong guro na matutunan ang paggawa ng layout design gamit ang aplikasyon na Canva gayundin ang pagsusulat ng script at pagbuo ng storyboard.
Sa kanyang mensahe, ibinahagi ni DOST-STII Director Richard P. Burgos ang kanyang kagalakan hinggil sa pagpapakita ng interes ng mga kaguruan sa paggamit ng social media upang maibahagi ang iba’t ibang kaalaman pagdating sa siyensya at teknolohiya. Naniniwala siya na malaking tulong ang pagsasanay na ito upang matulungan ang ating mga kaguruan na gawing mas interesado ang pagtuturo ng mga iba’t ibang konsepto ng siyensya.
Samantala, taos-puso naman ang pasasalamat ni Prof. Eloisa Olivera, ang tumatayong pangulo ng ASMEPPS sa DOST-STII na siyang patuloy na sumusuporta at gumagabay sa iba’t ibang aktibidad at adbokasiya ng ASMEPPS.
Ang nasabing seminar ay ilan lamang sa mga aktibidad sa ilalim ng pagtutulungan sa pagitan ng DOST-STII at ASMEPPS na kung saan naglalayon itong ibahagi sa mga mag-aaral ang benepisyong naibibigay ng siyensya at teknolohiya sa pang araw-araw nating pamumuhay. (Ni Allan Mauro V. Marfal, DOST-STII)
Dinaluhan ng 60 na Math and Science teachers mula sa 20 pribadong paaralan ang seminar na inorganisa ng DOST-STII at ASMEPPS patungkol sa pagbuo ng epektibong social media at digital broadcast content. (Kuha ni Joy M. Lazcano, DOST-STII)