MENU

Nagtamo ng 95% na overall audit score ang DOST-CALABARZON Regional Standards and Testing Laboratoy (RSTL): Halal Verification Laboratory (HVL), dahilan upang maging karapat-dapat ang ahensya na mabigyan ng Halal Accreditation Certificate mula sa International Halal Integrity Alliance o IHIA at ng ‘Award of Excellence’ mula naman sa Malaysian Halal Consultancy and Training Agency (MHCT) Agency na siyang kauna-unahang igagawad sa buong DOST system.

Ang masusing inspeksyon at ebalwasyon ay isinagawa nang dalawang araw at pinangunahan nina Prof. Dr. Abdul Rafek Saleh na siyang IHIA Executive Director at MHCT Principal Halal Consultant kasama naman si Dr. Jane Tranquilan na director at Assistant Halal Consultant.

Ang naturang audit ay kailangan upang makumpirma na ang mga serbisyo at proseso ng laboratoryo ay sumusunod sa Halal Standards base sa IHIAS 0300:2011. Sinisiguro din nito na ang HVL ng DOST-CALABARZON ay nagpapamalas ng kahusayang teknikal, walang kinikilingan, at malaya. Ang mga ito ay importanteng parte ng proseso upang mapangalagaan ang mga konsyumer mula sa mga hindi umaayon na produkto.

Bahagi ng isinagawang back-to-back activity ay ang ‘Halal Awareness Training based on MS1500-2019’ na dinaluhan ng RSTL Staff at Food Safety Team at pinangunahan nina Dr. Saleh at Dr. Tranquilan.

Ang IHI Alliance ay nabuo bilang isang internasyunal na not-for-profit organization upang ayunan ang integridad ng halal market concept sa pandaigdigang kalakalan sa pamamagitan ng pagbuo ng pandaigdigang standard para sa halal, pagkilala, kolaborasyon, at pag-aanib ng mga miyembro. (Ni Rosemarie C. Señora, DOST-STII at impormasyon mula kay Cesaree M. Caperare ng DOST-CALABARZON)