MENU

Sa pamamagitan ng isang proyektong pinagtulungan ng Department of Science and Technology-XI (DOST-XI), Department of Trade and Industry-XI (DTI-XI), at ng University of Southeastern Philippines, mabibigyan ng pagkakataon ang mga batang ipinanganak na may cerebral palsy na makatayo o mapadali ang kanilang pagkilos.

Nito lang ika-apat ng Agosto 2022, nakapagbigay ng donasyon na Pedia Standing Frames ang DigiHub Fabrication Laboratory sa Tebow CURE Hospital sa Davao City upang makatulong sa pag-alalay na makatayo ang mga batang ipinanganak na may cerebral palsy.

Ang DigiHub Fabrication Laboratory o Digihub FabLab ay isang component facility na inilunsad noong 2019 upang makagawa ng disenyo gamit ang graphic workstations at makabuo ng packaging prototypes. 

Ang mga nabanggit na Pedia Standing Frames ay una nang nadebelop ng “Stand with Me” Organization, isang non-profit organization na nakabase sa Hanover, New Hampshire, United States of America na gumagawa at nag-didistribute ng mga murang therapeutic home-care devices para sa mga bata at matanda sa buong mundo. 

“Happy kaayo ko kay dako na kaayong tabang sa amoa na nahatagan siya ani, ug dili na kaayo gasto (Masaya ako dahil itong (standing frames) ay malaking tulong sa amin at hindi na rin kami gagastos),” ani Jolina, na ina ng unang benepisyaryo ng proyekto na si Jade, apat na taong gulang.

Ayon naman kay Davao City Science and Technology Director Arnel M. Rodriguez, ang mga ginawang frames ay gawa sa kahoy upang makabawas ng production cost at gawin itong abot-kaya para sa mga bibili na sadyang mas mura kung ikukumpara sa mga nabibiling standing frames sa ibang bansa. 

“Ang mga standing frame ay makapagbibigay sa kanila ng pagkakataon na mamuhay nang nakatayo,” dagdag pa niya.

Sinegundahan naman ito ni Dr. TJ Braganza na isang physiotherapist sa Tebow CURE Hospital. Aniya, makatutulong ito upang mapabuti ang muscle activity ng mga batang may cerebral palsy. 

Nagpaabot naman ng pasasalamat si Ms. Rosemarie Baco, Director for Hospital and Field Operations ng Tebow CURE Hospital para sa natanggap ng Pedia Standing Frames. Umaasa siyang mas marami pang batang nangangailangan ang pagkalooban pa sa ilalim ng proyekto.

Ang naturang laboratoryo ay nakapagbibigay rin ng serbisyo tulad ng 3D printer, laser cutter, large format printer, handheld 3D laser scanner, UV printer, embroidery machine, heat press for fabric, at Tungsten Inert Gas(TIG)-welding. (Ni Rosemarie C. Señora, DOST-STII at impormasyon mula sa DOST-XI S&T Information and Promotion)