MENU

Umabot sa PhP 2,125,260 ang tulong-pinansyal na ipinagkaloob ng Department of Science and Technology Region-I (DOST-I), sa pamamagitan ng Provincial Science and Technology Center – La Union (PSTC-LU) sa tatlong food firms sa ilalim ng Small Enterprises Technology Upgrading Program (SETUP).

Ayon sa PSTC-LU, ang natanggap na PhP 1.370-M ng Kajonas Food Products sa bayan ng Bauang na kilala sa produktong palm oil ay ilalaan sa pagbili ng oil filling machine na makatutulong sa higit na pagsasaayos ang kanilang produksyon at kalidad ng serbisyo.

Mapupunta naman sa pag-upgrade ng production process at mga equipment ang ibinigay na halos PhP 300,000 sa Mama Carmen’s Meat Shopna nasa industriya ng meat processing at kilala sa kanilang garlic-flavored pork longaniza.

Habang ang Lomboy Farms naman na sikat sa kanilang grape farm at isa rin sa pinakamahusay na wine producer sa La Union ay nakakuha ng PhP 480,000 na ilalaan din sa pagpapaganda ng wine production business.

Ang SETUP ay isa sa mga flagship program ng DOST na naglalayong matulungan ang mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) na makagawa at mapadami ang mga produktong may kalidad, at mapanatili ang marketability o kakayahang maipagbili ng mga ito sa pamamagitan ng pagpaunlad ng ng teknolohiya at kagamitan, gayundin ay mapayabong ang innovation capability o kakayahan sa pagbabago.

Maliban sa mga nabanggit ay natulungan na rin ng DOST-I ang iba pang mga MSMEs sa rehiyon na nasa industriya ng food processing, metals and engineering, furniture, gifts, decors and handicrafts, agriculture, marine, at aquaculture.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa DOST SETUP, maaaring bisitahin ang opisina nito sa Government Center, Sevilla, City of San Fernando, La Union, maaari ding mag-email sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. o tumawag sa mga numerong (072) 242-0663 / 0998-962-0229 (Smart) / 0917-840-8256 (Globe). (Ni Jerossa Dizon, DOST-STII at impormasyon mula sa DOST-I)