Matagumpay na naidaos ang kauna-unahang Mindanao Technology Business Incubator (TBI) Summit kung saan nagtipon-tipon ang mga technology at startup players mula sa iba’t ibang dako ng Mindanao para sa opisyal nitong paglulunsad noong ika-13 ng Agosto 2022.
Ang dalawang araw na Mindanao TBI Summit ay inorganisa ng Innovation and Development Accelerators Consortium for Startups o IDEAS Davao bilang pagdiriwang ng Davao Startup Week 2022.
Isa sa mga nagsilbing pangunahing pandangal ay si Department of Science and Technology (DOST) Region XI Director Dr. Anthony Sales na nagbahagi ng mga programa at aktibidad na isinasagawa ng ahensya upang matulungan ang mga startup, incubator, firm owner, at innovator.
“Ang technology business incubation ay isa sa mga pangunahing istratehiyang tinukoy ng DOST upang pasiglahin ang inobasyon at ‘technopreneurship’ na makatutulong ang sosyo-ekonomikong pag-unlad ng bansa,” aniya.
Kinilala at binati rin niya ang anim na TBI na naitayo sa Mindanao sa tulong ng DOST-Philippine Council for Industry, Energy, and Emerging Technology Research and Development o DOST-PCIEERD.
Ilan sa mga programang nabanggit ni Dr. Sales ay ang Science for Change Program, ang Higher Education Institution Readiness for Innovation and Technopreneurship, ang Technology Innovation for Commercialization Program, ang Young Innovators Program, at and Startup Grant Fund Program.
Binigyang-diin din ni Dr. Sales ang tuloy-tuloy na pagsasaayos ng Knowledge, Innovation, Science, and Technology (KIST) Park sa rehiyon, na makatutulong upang mapadali ang pagdedebelop at komersyalisasyon ng mga makabagong teknolohiya.
Nabanggit din niya ang programa ng ahensya na Grassroots for Innovation for Inclusive Development Program na nakatutulong na matukoy at mataya ang pangangailangan at oportunidad sa mga pamayanang rural na pagbabasehan ng DOST sa interbensyong pang-agham at teknolohiya na ibibigay nito.
“Sa pamamagitan nitong mga programang nabanggit, makatutulong tayo sa pagbuo ng mas marami pang startup at palakasin ang inclusive innovation ecosystem sa rehiyon,” ani Dr. Sales. (Ni Rosemarie C. Señora, DOST-STII at impormasyon mula sa DOST XI, S&T Information and Innovation)