Inaasahang magiging malaki ang benepisyo ng sektor ng agrikultura mula sa mga pag-aaral at teknolohiya na sinusuportahan ng Department of Science and Technology- Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD).
Ang mga teknolohiya na ito ay may kinalaman sa goat production, automated at water-efficient irrigation system, at ilan pa magpapaunlad ng serbisyo sa larangan ng agr-agua innovation. Ang mga ito ay ipinakilala sa katatapos na 7th National R&D Conference (NRDC) na ginanap noong Setyembre 15-16, 2022 sa Philippine International Convention Center (PICC) sa lungsod ng Pasay.
Maituturing ang goat production na isa sa mga mahahalagang asset sa mga kanayunan lalo na sa panahon na kung saan ang emergency cash ay kinakailangan. Para mapatibay ang katayuan ng produksyon ng kambing bilang “profitable rural asset”, pinangunahan ng Isabela State University (ISU) ang program ana magpapalakas sa aplikasyon ng artificial insemination na siyang makakatulong solusyunan ang problema sa mababang produksyon ng mga kambing.
Samanta, maraming benepisyo naman ang maaaring makuha ang mga sugarcane farmer mula sa mga computer-assisted furrow irrigation system na tinawag na Automatic Furrow Irrigation System (AFIS). Ipinaliwanag ni Dr. Marvin M. Cinense ng Central Luzon State University (CLSU) kung paano nagagamit ang AFIS technology sa real-time na irigasyon na maaaring makita sa mga web application. Dagdag pa niya na sa pamamagitan ng teknolohiyang ito, maaaring tumaas ang ani at makatipid sa konsumo ng tubig ang ating mga magsasaka at may pagkakataon na dumoble o trumiple ang kanilang kikitain.
Samantala, malaki rin ang nagiging ambag ng mga smartphone at mga aplikasyon nito sa farming. Isa na rito ang tinatawag na Smarter Pest Identification Technology o SpidTech kung saan nakakatulong sa pagtukoy ng mga peste sa mga pananim na nagiging susi sa maayos na pamamahala nito. Sa pamamagitan nito, maaaring mabawasan ang pagkasaira ng mga pananim ng ating magsasaka na kadalasan ay nag-uugat mula sa mga peste.
Bukod sa iba’t ibang bagay na maaaring maitulong sa ating mga magsasaka, nakakatulong din ang pagsasagawa ng pananaliksik at pagdebelop ng mga teknolohiya na magbigay ng karagdagang pangkabuhayan sa mga komunidad. Ginawang halimbawa ang proyektong isinagawa sa Bataan Natural Park na kung saan nagbigay ng malaking kontribsuyon sa komunidad ang mga inilunsad na forest ecosystem services.
Sa kanyang presentasyon, ipinakita ni Dr. Juan M. Pulhin ng Integrated Natural Resources and Environmental Management Program ng Department of Environment and Natural Resources ang kahalagahan ng valuation sa pagbuo ng wealth creation sa tulong ng tinatawag na Five Capitals Model.
Ibinahagi naman ni Dr. Emma Ruth V. Bayogan ng University of the Philippines Mindanao ang pag-aaral na kung saan ipinapakita kung paano ang mga komunidad sa mga conflict-vulnerable area sa bansa na maaari pa rin kumita mula sa pagsasaka. Sa tulong ng “Livelihood Improvement through Facilitated Extension” o LIFE Model, ipinaliwanag ni Dr. Bayogan ang naging managandang epekto nito sa mga komunidad ng South Cotabato, Maguindanao, at Zamboanga Sibugay upang mapataas ang kanilang kinikita, mapaunlad ang kanilang agricultural skills, at iba pang maaaring pagkuhanan ng pang-kabuhayan. (Ni Allan Mauro V. Marfal, DOST-STII at impormasyon mula sa DOST-PCAARRD)