Kilalang pasyalan ng mga turista ang Anilao sa Mabini, Batangas dahil sa angking-ganda ng karagatan nito. Kaya kinakailangang masigurado ang kalinisan ng tubig sa pasyalang ito.
Kaya pinasinayaan ng Department of Science and Technology (DOST) – CALABARZON ang kauna-unahang Modular Ecology-Friendly Domestic Wastewater Treatment System Technology o MEDOWW na siyang makababawas sa polusyon sa lugar. Ang MEDOWW ay isang solusyong agham na siyang tutulong maglinis ng maruming tubig o wastewater sa Anilao.
Pinasinayaan into nila Kong. Gerville “Jinky Bitrics” R. Luistro ng ikalawang distrito ng Batangas, Mayor Nilo M. Villanueva ng Mabini, Batangas, DOST-CALABARZON Regional Director Emelita P. Bagsit, at Dr. Merlinda A. Palencia, imbentor ng nasabing teknolohiya.
Kasama din nila sina Felina C. Malabanan, DOST-Batangas Provincial Director at Kap. Guillermo G. Guerra, Jr. ng Anilao Proper sa Mabini.
Gumagamit ang MEDOWW ng Vigormin organominerals na nagpapabilis sa pagkamatay ng mga “masasamang” mikrobyo sa mga poso negro o septic tank, habang tinutulungan ang pagdami ng mga “mabubuting” mikrobyo na siya namang tutulong maglinis ng tubig. Nagtataglay din ng maraming “chambers” ang MEDOWW na siyang sasalo at magsasala sa mga “pollutants” mula sa maruming tubig.
Makatutulong ang MEDOWW sa pagbawas sa mga suliranin sa sanitasyon, mga palpak na poso negro at kanal, at pagkarumi ng malinis na tubig sa Anilao. Bukod pa dito, makatutulong din ang MEDOWW sa pagkamit ng Water Quality Guidelines and General Effluent Standards of 2016 para sa mga effluent o tubig na mula sa mga komersyo na maaari nang iluwal sa dagat o ilog. Ang pamantayang ito ay itinakda ng Department of Environment and Natural Resources.
Dati nang napatunayan ang teknolohiyang ito sa Palo, Leyte; San Fernando, La Union; Siargao Island; Mainit at Alegria, Surigao del Norte; at sa Boracay. At dito naman sa Anilao, pumasa naman ang effluent sa nasabing pamantayan.
Sa likod ng MEDOWW Treatment System at Vigormin organominerals ay si Dr. Merlinda Palencia, isang mananaliksik at propesor ng chemical engineering sa Adamson University sa San Marcelino, Manila. Katulong ni Dr. Palencia sa pagbuo nito ay ang DOST-Philippine Council for Industry, Energy and Emerging Technology Research and Development. Katuwang naman ng bayan ng Mabini, Batangas ang DOST-CALABARZON sa pagtatayo ng MEDOWW Treatment System sa Anilao. Samantalang tumulong din ang Envigor Natural Products Manufacturing Inc., ang spinoff company ng Adamson University sa pagtatayo ng MEDOWW ayon sa mga itinakdang pagtutukoy ni Dr. Palencia.
Nilalayon na maging inspirasyon ito sa mga mga komersyo, kabahayanan, at mga resort sa Anilao na tangkilikin at gamitin ang MEDOWW Treatment System at Vigormin sa kani-kanilang lugar. (Ni David Matthew C. Gopilan, DOST-STII at impormasyon mula sa DOST-CALABARZON)