Nagkasa ng Initial Technology Needs Assessment sa Nenita Farm Integrated Learning Center na matatagpuan sa Banga, South Cotobato ang Department of Science and Technology – Region XII (DOST-XII) sa pamamagitan ng Provincial Science and Technology Office sa South Cotobato para sa posibleng pagkakaloob ng ayuda rito.
Sa paunang pagtatasa na isinagawa, ipinakilala ng Nenita Farm ang kanilang multi-farm agricultural services at products, kasama na rito ang isang learning site para sa edukasyong pang-agrikultura para sa mga magsasaka. Ibinida rin nito ang kanilang enterprise are para sa pagpapalaki ng mga tilapia at hito.
Ang Nenita Farm ay isang Accredited Learning Site for Agriculture (RCEF-LSA) ng Department of Agriculture – Agricultural Training Institute XII at isang diversified farm o isang uri ng sakahan kung saan higit sa isa ang kanilang produktong itinatanim o pinadadami para ibenta.
Pinagkalooban din sila ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng Certificate of Program Registration upang mag-alok ng programa para sa produksyon ng high-quality inbred rice, Seeds Certification, and Farm Mechanization.
Tumutulong din ang Nenita Farm sa walang trabaho at mga payak na magsasaka sa kanilang lugar na direktang naapektuhan ng COVID-19 pandemic sa pamamagitan ng pag-oorganisa ng mga pagsasanay at pagbibigay ng livelihood support.
Dalawa sa mga nakitang hamon sa assessment ng nasabing learning center ang kawalan ng rice machinery para sa mga mag-aaral, at kawalan ng mga learning resources para sa mga ginagawa nilang pagsasanay.
Kaya naman sa ilalim ng programang Community Empowerment through Science and Technology (CEST) ng DOST-XII, humiling sila at naghain ng probisyon para sa ayudang panteknolohiya na magiging katuwang ng makinaryang pang-agrikultura para sa pagtuturo at actual demonstration ng mga mag-aaral.
Nagpahiwatig din ng interes ang Nenita Farm sa pagkuha ng DOST – Science and Technology Academic Research-Based Openly-Operated Kiosks (STARBOOKS), isang stand-alone information source na dinisenyo para maabot ang mga lugar na limitado o di kaya’y walang kakayanang makuha ang mga impormasyong pangsiyensya at teknolohiya.
Kung maipagkakaloob, ang research kiosk na ito ay gagamitin sa pagsasanay upang mas maipalaganap pa ang mga karagdagang impormasyon tungkol sa modernong pamamaraan sa pagsasaka.
Sa ngayon ay patuloy na nagsisikap ang Nenita Farm para sa isang multi-purpose center na makapagbibigay ng mas malaking opurtunidad sa mga magsasaka at mga karatig nitong komunidad.