Upang makapagbigay ng karagdagang kabuhayan sa dalawampu’t limang magsasakang Higaunon at sa kanilang pamilya, citronella facility ang handog ng Department of Science and Technology (DOST) sa pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan ng Malitbog, Bukidnon.
Malaking tulong ang naturang facility sa sampung ektaryang taniman ng citronella na pagmamay-ari at pinamamahalaan ng mga magsasaka sa Sitio Impahanong. Ang bagong kabit na Citronella Oil Processing sa pamamagitan ng hydrosteam distillation ay magiging alternatibong kabuhayan para sa mga magsasakang miyembro ng Agtimaloy Farmers Association Inc. (AFAI) at kanilang pamilya.
Karaniwang tumutubo lamang ang citronella kasama ang iba pang damo sa lugar kaya't malaking bagay na nalaman ng mga magsasaka ang potensyal ng naturang halaman na ang langis ay karaniwang ginagamit sa paggawa ng mga mosquito repellant at disinfectant.
Napapabagal o naiiwasan din ng langis ng citronella ang pagtubo at pagdami ng mapaminsalang bacteria sa hangin, nakapagtataboy ng mga lumilipad na insekto, nakapagpapagaan ng pakiramdam sa isip at katawan. May ilan ding pag-aaral na nagsasabing nakababawas ito ng pulikat, nakakawala ng sakit ng ulo, at nagbibigay ng dagdag-enerhiya.
Nagpaabot ng pasasalamat si G. Rodolfo Senagonia, ang tagapangulo ng AFAI, para sa suportang ibinigay ng DOST at LGU Malitbog sa kanilang samahan, na bagaman malayo ang Sitio Impanahong, nakarating pa rin sa kanilang lugar ang tulong na ipinaabot ng gobyerno.
Hangad naman ni DOST Bukidnon Provincial Director Ritchie Mae L. Guno ang paglago at pagyabong pa ng naturang samahan sa tulong ng citronella facility. Hangad rin niya na marami pa ang matulungan ng pasilidad sa Sitio Impahanong na naisakatuparan sa ilalim ng programang Community Empowerment through Science and Technology o CEST program ng DOST.
Inaasahang magiging ganap ang operasyon ng pasilidad sa Nobyembre taong pangkasalukuyan. (Impormasyon mula kay Rashia Mae Deva E. Paano ng PSTO Bukidnon)