Daang libong impormasyon tungkol sa agham at teknolohiya ang abot-kamay na ng mga mag-aaral ng Maabud National High School (NHS) sa San Nicolas, Batangas matapos nilang tumanggap ng SuperSTARBOOKS mula sa Department of Science and Technology (DOST) Batangas noong ika-13 ng Enero 2023.
Ang SuperSTARBOOKS o ang pinahusay na Science and Technology Academic and Research-Based Openly Operated Kiosk Station ay ang kauna-unang digital library sa bansa, na dinisenyo upang maglaman ng daang libong digitized science and technology resources sa iba’t ibang format tulad ng text, audio, at video na madaling magamit ng mga mag-aaral. Kabilang sa laman ng SuperSTARBOOKS ay mga libro, magasin, journal, scientific at research paper, materyal ukol sa paghahanda sa mga sakuna, interactive courseware, at iba’t ibang K-12 supplement materials.
Bilang isang standalone information kiosk na dinibelop ng DOST-Science and Technology Information Institute, maaaring magamit ang STARBOOKS kahit na walang koneksyon sa internet.
Ayon sa DOST-STII, sa update ng STARBOOKS noong 2016, kasama na rin sa mga materyal ang mga bidyo tungkol sa iba’t ibang pangkabuhayan mula sa dating Technology Resource Center, mga profile ng siyentista, mga publikasyon ng DOST, Science:Cool Facts, mahahalagang petsa sa kasaysayan ng agham sa Pilipinas, at mga bagong artikulo ukol sa siyensya.
Bilang bahagi ng programa sa pagbibigay ng STARBOOKS, isang training-orientation ang isinagawa sa pangunguna nina Renalee M. Leyesa at Cedric L. Rodriguez ng DOST-Batangas para sa tatlumpu’t anim (36) na mag-aaral at siyam (9) na guro.
Ibinahagi ni Bb. Leyesa ang tungkol sa STARBOOKS at kung saang platform ito kasalukuyang pwedeng magamit kabilang na sa STARBOOKS Offline, online (www.starbooks.ph), mobile application, quiz application, at geomap application.
Ibinahagi naman ni G. Rodriguez ang pagsasanay para sa site admin ng parehong online at offline STARBOOKS. Hinikayat niya ang mga lumahok sa pagsasanay na maging pamilya sa mga responsibilidad ng pagiging site admin ng STARBOOKS tulad ng pag-asiste sa mga gagamit ng STARBOOKS, pagpapasa ng mga dokumente, pag-upload sa citizen’s archive, pag-update ng nilalaman ng STARBOOKS, at pamamahala ng kiosk.
Samantala, nagpaabot naman ng pasasalamat si Dr. Melani L. Higuit, ang punong-guro ng Maabud NHS para sa kaloob na STARBOOKS ng DOST.
“Kami po ay napakapalad dahil kami po ay napili ng DOST na mabigyan ng SuperSTARBOOKS na magiging napakalaking tulong po sa aming mga mag-aaral gayundin sa aming mga guro. Kaya naman, taos-puso po ang aming pasasalamat sa DOST,” aniya.
Dagdag ang Maabug NHS sa kabuuang 6,369 STARBOOKS sites sa buong bansa, kung saan 351 sa mga ito ay matatagpuan sa CALABARZON at 59 naman ang nasa Batangas.