Ipinagdiwang kamakailan ng mga residente sa isang komunidad sa Janayjanay, San Jose, Negros Oriental kasama ng ilang piling panauhin ang matagumpay na ani nito mula sa upland tilapia farming.
Ang inisyatibo ay inorganisa sa pakikipag-ugnayan ng Department of Science and Technology (DOST) Negros Oriental Provincial S&T Office at ng Negros Oriental State University (NORSU). Pinondohan ang proyekto ng DOST Regional Office No. VII, sa pamamagitan ng programang Community Empowerment thru Science and Technology habang ang NORSU Extension Office naman ang nanguna sa pagpapatupad ng proyekto.
Personal na binisita ni DOST VII Regional Director Engr. Jesus F. Zamora ang mga magsasakang benepisyaryo na pawang miyembro ng Janayjanay Farmers Association o JFA) upang saksihan ang seremonyal na pag-aani ng unang pangkat ng tilapya sa mga fish pen na nagawa gamit ang pondo mula sa CEST.
Sa isang pahayag, sinabi ni RD Zamora na suportado ng DOST ang komunidad ng Janayjanay sa kanilang pangisdaan sa pamamagitan ng interbensyong pang-agham at teknolohiya bilang paraan upang mapalakas ang seguridad ng kanilang pagkain at nutrisyong nakukuha mula rito.
Dagdag niya, hangad din ng DOST na maparami pa ang tilapya kanilang aalagaan upang maging tuloy-tuloy ang proyekto.
Bilang tugon, ipinangako naman ni Eduardo Pegarum, pangulo ng JFA na aayusin at pagbubutihin nila ang pamamahala sa proyektong ipinagkatiwala sa kanila.
Ilan sa mga dumalo ay mga kinatawan mula sa Department of Environment and Natural Resources, lokal na pamahalaan ng San Jose, at ang Provincial Agriculture Office ng probinsya ng Negros Oriental, bukod pa sa mga empleyado ng DOST Negros Oriental, NORSU Extension Office, miyembro ng JFA, at mga kinatawan mula sa Janayjanay Barangay Council.
Ang CEST ay programa ng DOST na binubuo ng iba’t ibang interbensyong pang-agham at teknolohiya na naglalayong buo ng mga progresibo, pinalakas, at matatag na mga pamayanan sa kanayunan. Target ng programa na bigyan ng kakayahan ang mga mahihirap na komunidad sa bansa sa pamamagitan ng interbensyong pang-agham at teknolohiya sa larangan ng kalusugan at nutrisyon, tubig at sanitasyon, edukasyon at karunungang bumasa't sumulat, kabuhayan, at kahandaan sa panganib sa sakuna at adaptasyon sa pagbabago ng klima. (Impormasyon mula kay Engr. Reinhold Jek Y. Abing ng DOST Negros Oriental)