MENU

Hindi mapagkakaila na tsokolate ang isa sa pinakapaboritong pampasalubong o pangregalo ng karamihan sa mga Pilipino. Lumalabas sa pag-aaral na may kakayahan itong mag-prodyus ng endorphin o ang tinatawag nating happy hormones.

Ayon sa mga eksperto, ang tsokolate ay may compounds na tryptophan at phenylalanine, na siyang nagiging responsible na mailabas ang tinatawag na happy hormones sa ating mga katawan at utak. Bukod pa rito, ang tsokolate ay may antioxidant na siyang maganda sa ating puso at iba pang compounds na nagpapababa ng ating cholesterol.

Tunay nga na maraming benepisyo na naibibigay ang tsokolate sa araw-araw nating pamumuhay at kalusugan. Kaya naman para mas pasarapin pa at mas pausbungin ang industriya ng paggawa ng paborito nating tsokolate, iba't ibang pag-aaral, serbisyo, at teknolohiya ang ibinabahagi ng Department of Science and Technology-Industrial Technology Development Institute (DOST-ITDI).

Sa naging panayam kay Michelle Evaristo, senior science research specialist mula sa DOST-ITDI, sa programang ExperTalk ng DOSTv, ibinahagi niya kung paano nakatutulong ang kanilang tablea processing technology, lalo na sa mga maliliit na negosyante.

Ayon kay Evaristo, ang tablea processing technology ay ang nadebelop na hakbang ng DOST-ITDI upang pataasin ang antas ng produksyon ng tablea ng ating mga micro, small, and medium enterprises o MSMEs. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang kagamitan, maaaring mapababa ang presyo ng kanilang mga produkto.

"Karaniwan sa mga MSMEs natin ay gumagamit lamang ng equipment na may maliit na kapasidad o capacity. So kung isang kilo lang during roasting, mas mataas ang posibilidad na maliliit na batches lang ang magagawa nila na siyang magiging dahilan para tumaas ang presyo nito," paliwanag ni Evaristo.

Pagbabahagi niya na sa kanilang tablea processing, nakapagdebelop sila ng mga kagamitan na magpapataas sa kalidad ng produksyon ng tablea sa bansa. Pagmamalaki ni Evaristo na nakaangkop ito sa Philippine National Standard, kaya nakasisiguro na malinis at  maganda ang magagawang produkto rito.

Samantala, kumpara sa tradisyunal na paggawa ng tablea, mas nagiging malalasa kapag sumailalim sa processing technology ng DOST-ITDI ang ating tablea. Maituturing na flexible ang teknolohiyang ito sapagkat kung ikaw ay may sariling proseso o formulation, maaari mong i-adopt ito kaya mas magiging maganda ang kalidad nito.

Subalit para kay Evaristo, ang pinakamagandang benepisyo na naibibigay ng kanilang tablea processing technology ay mas nagiging competitive ang ating mga produkto dahil sa mas napapaiksi nito ang proseso ng paggawa na dahilan upang mapababa ang presyo nito nang hindi naisasakripisyo ang kalidad nito.

Ibinahagi naman ni Evaristo na bukod sa tablea, nagdedebelop din sila ng extension gaya ng tinatawag nilang first generation ready-to-drink na tablea.

Pagmamalaki niya na marami ang nagkakainteres dito kung saan malalasahan ang tradisyunal na tablea drink nang hindi na kinakailangan dumaan pa sa proseso ng pagbabatirol. Nakagawa rin sila ng beverages para sa mga health-conscious, lalo't maraming Pilipino ang nagiging lactose intolerant, partikular kapag sumapit sa edad na bente pataas.

“Sinasabihan namin ang mga kliyente na magpadala ng tablea sa kanila at i-formulate nila, tignan nila kung magugustuhan nila ang lasa at makikita nila na may potensyal ang produkto na sumailalim sa tablea processing. Kapag nagkasundo, doon namin irerekomenda na magkaroon tayo ng Memorandum of Agreement o MoA,” pagbabahagi ni Evaristo.

Paliwanag ni Evaristo, mahalagang makita ng ating MSMEs kung paano tatanggapin ang kanilang produkto sa merkado at malaman nila na may teknolohiya tayo na maaari nilang i-adopt.

Malaki rin ang maitutulong ng tablea processing sa mga Cacao farmers dahil makakagawa na sila ng mataas na kalidad ng produkto na kayang makipagsabayan sa pandaigdigang merkado.

Samantala, para sa mga interesadong magproseso ng kanilang tablea at makita ang mga dinebelop ng ahensya na produkto mula sa tablea, maaari kayong makipag-ugnayan sa DOST-ITDI sa  This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. (Ni Allan Mauro V. Marfal, DOST-STII)

Sa pamamagitan ng tablea processing, nakapag-debelop ang DOST-ITDI ng mga ready-to-drink na tablea.