MENU

Tatlong kasunduan ang nilagdaan ng Department of Science and Technology Provincial Science and Technology Office - Ilocos Sur (DOST PSTO-IS) kasama ang Delmendo Ricemill, Jomer Gasmen Furniture and Glass Supply, at Estrel’s Calamay para sa technology adoption ng mga ito  noong ika-6 ng Pebrero 2023 sa PSTO-Ilocos Sur Satellite Office sa Candon City.

Ito ay sa ilalim ng programa ng DOST na Small Enterprises Technology Upgrading Program o SETUP na may layuning matulungan ang mga maliliit na negosyante sa pamamagitan ng pagpapahiram ng halaga na maaaring gamitin para makabili at makapag-upgrade ng kanilang makinarya upang mapabilis ang kanilang produksyon habang sinisiguro ang kalidad ng mga ito.

Ipinaliwanag ni Engr. Jordan L. Abad, ang provincial S&T director ng PSTO-IS, ang mga termino at kondisyon na nakasaad sa kasunduan tulad ng buwan-buwang pagmo-monitor ng epekto ng mga interbensyong naibigay kabilang na ang pagtaas ng kanilang benta at productivity, trabahong naibigay, at iba pa.

Lubos-lubos ang pasasalamat ni Bb. Matilde B. Delmendo, ang may-ari ng Delmendo Ricemill para sa pag-apruba ng kanilang hiling para sa 15 tons drying facility na makatutulong upang mabawasan ang mechanical losses pagkatapos maani ang palay.

Ang naturang drying facility ay magkakaroon ng hopper type mechanical dryer na nagkakahalaga ng Php 2,072,000.

Ang Jomer Gasmen Furniture and Glass Supply, na pagmamay-ari ni G. Jomer B. Gasmen, ay makakapag-upgrade ng kanilang makinarya sa pamamagitan ng pagbili ng benchtop mortiser, 3-in-1 wood machine, at tenoner na ang kabuuang halaga ay Php 475,886.

Ang Estrel’s Calamay na pagmamay-ari ni Bb. Estrelita C. Pantua ay mapagbubuti ang kanilang produksyon sa pamamagitan ng pagbili ng 1-unit double-jacketed cooking mixer na nagkakahalaga ng Php 170,000.

Sa kabuuan, ang tatlong proyekto ay nagkakahalaga ng Php 2,717,886. (Impormasyon mula sa DOST-I)