Labinlimang (15) empleyado ng LGU-Tampilisan sa Zamboanga del Norte ang tagumpay na nakatapos ng hands-on training para sa paggamit, operasyon, at pagmentena ng bioreactor at plastic densifier technologies.
Ang apat na araw na pagsasanay ay inorganisa ng Department of Science and Technology Regional Office IX sa pamamagitan ng Provincial Science and Technology Office in Zamboanga del Norte (PSTO-ZDN) at pakikipag-ugnayan sa DOST-Industrial Technology Development Institute o DOST-ITDI. Ang mga eksperto mula sa DOST-ITDI na sina Engr. Pierre Jordan Mendoza, Engr. Benjamin Santos, at Joannalene Tuazon ang nagsilbing resource person at tagapagsanay.
Ito ay parte ng intervention sa ilalim ng “Upgrading the Solid Waste Management Program of LGU Tampilisan through Adoption of Bioreactor and Plastic Densifier Technologies” na pinondohan sa pamamagitan ng programang Small Enterprise Technology Upgrading Program o SETUP ng DOST na may kabuuang pondo na Php 2,005,000.
Ang SETUP ay isa sa mga pangunahing programa ng DOST na nagbibigay ng innovation fund at technical support para sa micro, small, and medium enterprises o MSMEs para mapabuti ang kanilang produksyon, mabawasan ang gastos sa produksyon, at maitaas ang kanilang operasyon.
Ang proyekto ay nagbigay ng pondo upang makabili ng mga makinarya tulad ng 1-ton capacity bioreactor at plastic densifier na parehong dinebelop ng DOST-ITDI.
Ang bioreactor ang siyang magco-convert ng nabubulok na basura para maging organic compost, na maaaring namang magamit na pataba sa lupa. Gumagamit ito ng tinatawag na inoculant para matulungang mabulok ang organic matter na nasa solid waste.
Ang plastic densifier naman ay pinoproseso ang mga hindi nabubulok na basura tulad ng plastic cellophane at styrofoam upang maging paso o flowerpots para sa mga halaman at magamit ang mga ito na dekorasyon.
Ani Al Rey M. Catubig, ang Municipal Environment and Natural Resources Officer (MENRO)-designate ng LGU Tampilisan, masaya silang nabigyang prayoridad ng DOST na mabigyan sila ng mga nabanggit na teknolohiya.
“Ngayon, maaari na naming mapamahalaan nang maayos at mabisa ang aming mga nakolektang solid waste at ma-convert ang mga ito sa compost at bricks,” ani ni Catubig.
Dagdag niya, matutulungan din nito na mapabuti ang solid waste management program ng munisipalidad at magamit ang solid waste sa mas makabuluhang mga produkto.
Ang Tampilisan ay isang 4th class na munisipalidad sa Zamboanga del Norte. Tulad ng maraming lugar sa Pilipinas, nahaharap din ito sa seryosong problema sa basura tulad ng kahirapan sa tamang pagtatapon ng mga nakokolekta nitong mga basura na kalaunan ay natatambak at nagdudulot problema sa kalusugan at kapaligiran. Sa tulong ng DOST, ngayon ay maiibsan na kahit papaano ang problema ng Tampilisan sa basura.
Para sa iba pang impormasyon, bisitahin ang Facebook page ng DOST IX sa www.facebook.com/DOSTRegion9. (Impormasyon mula sa DOST IX)