MENU

Produktibo ang naging pag-iikot ni Department of Science and Technology Secretary Renato U. Solidum, Jr. sa Infanta, Quezon noong ika-18 ng Marso 2023 kung saan binisita niya kasama si DOST-CALABARZON Regional Director Emelita P. Bagsit ang Infanta Credit and Development Cooperative o ICDeC, Southern Luzon State University (SLSU) - Infanta at Binonoan Producers’ Cooperative o BIPCO.


Sa imbitasyon ng ICDeC, nagsilbing panauhing pandangal si Sec. Solidum, Jr. Sa 56th Annual Regular General Assembly Meeting nito kung saan sa kanyang mensahe ay ibinahagi niya ang kahalagahan ng agham, teknolohiya, at inobasyon, at kung paano maaabot ng DOST ang mga komunidad upang magbigay ng natatangi nitong serbisyo. Nabanggit din ng kalihim na sa pamamagitan ng mga kooperatiba tulad ng ICDeC, mas maayos ang mga serbisyong maibibigay at sa gayon ay makaaabot sa mga maliliit na magsasaka.

Nabanggit din ni Sec. Solidum, Jr. ang mga layunin ng DOST tulad ng pagsusulong ng kapakanan ng mga tao, paggawa at pag-iingat ng kabuhayan, pamamahala sa kalamidad, pagpapaunlad ng mga industriya, at karapatan sa kalidad na edukasyon, malinis na tubig at enerhiya, at seguridad sa pagkain. Ang mga ito, aniya, ay maaabot sa pamamagitan ng kolaborasyon at pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at mga komunidad.

Sa puntong ito, idiniin ni Sec. Solidum ang kahalagahan ng mga kooperatiba bilang daan sa kung paanong ang mga teknolohiya at pananaliksik ay maipamamahagi at magagamit ng mga tao, at sa huli ay makapagpapaunlad ng buhay ng bawat Filipino.

Sunod namang binisita nina Sec. Solidum, Jr. at RD Bagsit ang SLSU-Infanta kasama sina Dr. Violeta Coronacion at campus director Reydante Oabel. Ipinakita nila ang testing center ng unibersidad para sa DOST Undergraduate Scholarship Examination kung saan 145 na mag-aaral ang kumuha ng exam. Sila ay kabilang sa 14,773 mag-aaral na nag-apply ng scholarship exam sa CALABARZON na pinakamarami sa lahat ng rehiyon sa Pilipinas.

Binisita rin nila ang mga pasilidad para sa Nipa Sugar Production at Lambanog Product Standardization. Sa pag-iikot ng grupo, pinuri ni Sec. Solidum, Jr. ang mga nabanggit na inisyatibo habang nagtatanong rin ng mga detalye ukol sa kanilang operasyon.

Sumunod namang pinuntahan nina Sec. Solidum, Jr. ang BIPCO kung saan sinalubong sila ni G. Martial Coronacio, tagapangulo nito. Ang BIPCO ay isa ring kooperatiba na natulungan ng DOST sa ilalim ng programa nitong Community Empowerment thru Science and Technology o CEST at isa ring tukoy na Community-based Forest Management o CBFM site.

Sa pamamagitan ng CEST, nabigyan ang BIPCO ng iba’t ibang interbensyon sa agham at teknolohiya na nakatulong upang mapaunlad pa nito ang mga inisyatibo na may kinalaman sa kabuhayan, kabilang na ang Nipanog distillery na nagpoprodyus ng alcohol na siyang isa sa kanilang pangunahing kabuhayan. (Impormasyon mula kay Clarenz Polo Ocampo ng DOST-CALABARZON)