Nagtataglay ng natatanging sangkap na tannin extract ang ilang lokal na puno at sinasabing may potensyal ito upang magamit sa paggawa ng pandikit ng kahoy upang makagawa ng plywood.
Ito ay ayon sa inisyal na resulta ng isang proyektong pinagtulungan ng Department of Science and Technology-Forest Products Research and Development Institute o DOST-FPRDI, Bern University of Applied Sciences o BFH na nakabase sa Switzerland, Philippine Coconut Authority - Zamboanga Research Center o PCA-ZRC, at ng Visayas State University o VSU. Ang naturang proyekto ay pinondohan ng Swiss National Science Foundation.
Sa naturang pag-aaral, nakita na ang mga experimental plywood na pinagdikit ng tannin-phenol formaldehyde adhesives ay pumasa sa bond quality requirement ng ISO 12466-2 (2016), na may minimum o kakaunting dami ng inilabas na formaldehyde. Dagdag pa rito, nakita rin na ang ilan sa crude tannin extract ay katamtamang epektibo hanggang epektibo laban sa mga fungi at insekto kapag inilagay bilang pampreserba ng kahoy.
Ang naturang proyekto ay bahagi ng programa sa pananaliksik ng ahensiya na pinamagatang “Pinoy Tannin: Development of a Sustainable Tannin Extraction in the Philippines,” na nagsuri sa pinakaepektibong paraan ng pagkuha ng tannin extract. Sa pangunguna ni Dr. Sauro Bianchi ng BFH, ang programa ay may layong maka-debelop ng mura at likas-kayang teknolohiya para sa tannin extraction sa mga lokal na komunidad sa Pilipinas, at magamit ang lokal na tannin bilang pamalit sa kumbensiyonal na pandikit at preserbatib na ginagamit sa industriya ng kahoy sa Pilipinas.
Ang tannin ay organikong sangkap na karaniwang natatagpuan sa mga banakal at iba pang plant tissues, at karaniwan ding ginagamit sa paggawa ng pandikit sa kahoy o sa mga bagay na yari sa balat o leather.
Ayon sa mananaliksik na si Rebecca B. Lapuz mula sa DOST-FPRDI, ang tannin ay maaari ring gamitin bilang clarifying agent para sa alak at ginagamit rin sa iba’t ibang gamot at produktong pampaganda.
Sa ilalim din ng naturang proyekto, nagsagawa ang DOST-FPRDI ng paglalarawan ng tannin extract mula sa iba’t ibang agroforest residue tulad ng banakal at balat at bao ng niyog. Pinag-aralan din kung paano magagamit ang mga ito bilang pandikit at preserbatib ng mga kahoy.
Isinagawa ang ebalwasyon at pagsasara ng Pinoy Tannin Program sa Biel, Switzerland noong ika-13 hanggang 14 Disyembre 2022, kung saan nagkaroon din ng pagkakataon ang kinatawan ng DOST-FPRDI at iba pang delegado na maikot ang extraction facilities ng BFH. (Impormasyon mula kina Apple Jean C. Martin-de Leon at Catherine Masacayan)