Para matulungan pa ang sektor ng micro, small, and medium enterprise o MSME sa lalawigan na gawing mas komprehensibo ang mga serbisyo nito, nagsagawa ang DOST Provincial Science and Technology Office (PSTO)-Laguna na isang webinar noong ika-17 ng Marso 2023 upang hikayatin ang mga lokal na MSME na maging Halal certified.
Ayon kay Professor Joan Z. Corañes ng Polytechnic University of the Philippines o PUP, mahalaga ang pagkuha ng sertipikasyon sa Halal lalo at lumalaki na rin ang merkado nito at nakikilala na rin sa buong mundo, partikular na sa komunidad ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN.
Inilarawan ni Prof. Corañes ang Halal bilang mga pagkain o sangkap na hindi nagtataglay ng kahit anong bahagi o produkto galing sa hayop na itinuturing na bawal o labag sa batas ng mga Muslim na tinatawag na Shariah Law o mga hayop na hindi pinatay nang naaayon sa Shariah Law.
Aniya, ang Halal certification ay nagpapatunay na ang isang negosyo o organisasyon ay sumusunod sa mga kinakailangang pamantayan at kasanayan sa produksyon na nagseseguro na ang kanilang mga produkto ay Shariah, o pinapayagan at naaayon sa batas ng Islam.
Tinalakay din sa naturang webinar ang mga mahahalagang punto ng ASEAN General Guidelines on the Preparation and Handling of Halal Food.
Dagdag pa niya, ang sertipikasyon ay isa ring paraan ng pagkonsidera sa kapakanan ng mga kapatid nating Muslim at pagbibigay sa kanila ng maraming opsyon sa pagkain.
Nagpasalamat naman si Mary Grace Avanzado ng Mi Gracias, isang bagong maliit na negosyante, sa inisyatibo ng DOST na masuportahan ang mga MSME sa pamamagitan na pagbibigay ng mga libreng pagsasanay at seminar, katulad na nga lang ng nabanggit na webinar sa Halal certification kung saan natalakay rin ang mga kaukulang dokumentong kailangang maipasa upang mabigyan ng sertipikasyon.
“Yung mga ganitong trainings help us entrepreneurs (to) have a clearer vision of our future. May mga pangarap na kami bilang mga maliliit na negosyante pero by attending such trainings, namumulat ang aming mga mata sa mga possibilities at opportunities na mayroon,” aniya.
Nagpasalamat rin ang DOST-Laguna, sa pangunguna ng Provincial Director nito na si Engr. Samuel L. Caperiña, si Prof. Corañes at ang buong PUP para sa kanilang walang sawang pakikipagtulungan sa ahensya para mapaunlad pa ang kakayanan ng mga lokal na MSME sa loob at labas man ng probinsya ng Laguna.
Ang Halal certification webinar ay bahagi ng serye ng libreng pagsasanay na isasagawa ng DOST-Laguna hanggang Hunyo 2023 para sa lahat ng interesadong MSME. Bukas rin ang ahensya buong taon sa mga imbitasyon mula sa mga negosyante upang magsagawa ng harapang pagsasanay sa Good Manufacturing Practices (GMP), Hazard Analysis Critical Control Point (HaCCP) at Sanitation Standard Operating Procedures (SSOPs). (Impormasyon mula kay Rachel Joy C. Gabrido)