Isang milyong pondo ang natanggap ng University of Mindanao (UM) Digos mula sa Department of Science and Technology-Philippine Council for Industry, Energy, and Emerging Technology, Research and Development (DOST-PCIEERD) para sa implementasyon ng Provincial Workfoce Enabling System thru Scholarship o proyektong ProWESS.
Ang ProWESS ay isang sistema kung saan makikita at mamo-monitor ang listahan ng mga iskolar, at ang job-matching prediction system na tutulong sa pamahalaang panlalawigan ng Davao del Sur para masuri ang mga nagnanais maging iskolar, mamonitor ang kanilang pag-aaral, at magdedebelop ng talaan ng mga kasanayan na tutugma sa kasanayan ng mga iskolar.
Ani UM Director of the Institute of Economy and Enterprise Studies and Project Leader Dr. John Vianne Murcia, paghahaluin ng proyektong ProWESS ang iba’t ibang data set upang matukoy at masuportahan ang mga iskolar sa pamamagitan data science at support decisions system.
Ang data set ang tutulong na masuri ang mga iskolar base sa kanilang kredensyal, mag-approve o disapprove ng mga aplikasyon base sa alokasyon at prayoridad ng mga munisipalidad at kaugnayan ng mga programa na kanilang aaplayan para sa pondo, pagtukoy ng mga geolocation ng mga iskolar base sa kanilang ibinigay na personal na socio-demographic na impormasyon, pagmonitor sa kanilang pag-aaral, at pagtugma ng mga nakatapos nang iskolar sa mga trabahong kasalukuyang iniaalok ng Public Employment Service Office at iba pang rehistradong mga negosyo o kumpanya.
Ang naturang proyekto ay pinopondohan sa ilalim ng programang Good Governance through Data Science and Decision Support System (GODDESS) ng DOST na may layong tugunan ang puwang sa data scientist na pawang tumutulong na mapalakas ang kakayahan ng gobyerno na mangasiwa at mamahala ayon sa mga datos at ebidensya mula sa pag-aaral.