Ang Looc Fish Sanctuary na matatagpuan sa Looc, Romblon ay isa sa mga ipinagmamalaking turismo sa probinsya. Kinikilala ito para sa mayamang biodiversity - na pumoprotekta sa mahigit 100 uri ng isda, iba pang lamang dagat, at kanilang ecosystem. Dahil dito, nakilala ang lugar para sa kanilang floating kiosk at iba pang aktibidad sa tubig tulad ng diving, snorkeling, at boating. Sa kabilang banda, dulot naman nito ang banta ng polusyon mula sa dami ng bumibisita rito taon-taon na umaabot ng 1,300 turista kada buwan at tumataas pa sa buwan ng Abril at Mayo.
Ang naturang floating kiosk ay nakatigil lamang sa gitna ng karagatan at maaari lamang madayo ng mga turista sakay ang motorboat na mula sa tourism office ng munisipalidad. Mayroon na rin iyong banyo para sa mga turistang kinakailangang gumamit, habang ang iba naman, diretso nang nagtatapon ng kanilang dumi na lubhang nakaaapekto sa buhay dagat.
Upang tugunan ang problemang ito at maisulong ang ligtas na turismo, isang proyekto ang pinondohan ng Department of Science and Technology (DOST) na tinatawag na Modular Ecology-friendly Domestic Wastewater o MEDDOW Treatment Facility. Ito ay nadebelop ng mga mananaliksik mula sa Adamson University na pinangungunahan ni Dr. Merlina A. Palencia.
Sa pamamagitan ng DOST-MIMAROPA Provincial S&T Office in Romblon, pumalaot ang kauna-unahang nakalutang na MEDDOW sa buong bansa sa naturang fish sanctuary sa Looc.
Ang MEDDOW ay nakakabit sa floating platform at gumagamit ng eco-septic tank at biofilters para gamutin ang maruming tubig mula sa improvised na banyo. Ang naturang maruming tubig ay dumadaan sa tatlong bahagi ng pagsasala upang maalis ang mga solidong butil ng dumi. Idinadagdag ang hindi nakalalasong pulbos na solusyon na tinatawag na Vigormin kada linggo upang gamutin ang tubig at gawing malinis at ligtas ito bago pakawalan sa karagatan.
Dahil dito, hindi lang buhay dagat ang napoprotektahan kundi isinusulong din nito ang kaginhawaan ng mga turista at binibigyan sila ng kasiguraduhan na anumang dumi na pinapakawalan ay malinis at ligtas.
Noong ika-5 ng Abril 2023, binisita ng kalihim ng DOST na si Secretary Renato U. Solidum, Jr. ang pasilidad. Ibinahagi ng kalihim na ang agham at teknolohiya ay lubhang mahalaga para sa pagsusulong ng ecotourism na hindi nakapipinsala sa kalusugan at kaligtasan ng kapaligiran.
Idiniin din ni Sec. Solidum, Jr. na kahit ang pinakasimpleng teknolohiya tulad ng MEDDOW ay makatutulong na ma-preserba ang ating likas na yaman at makapagbibigay ng pribilehiyo sa mga turista na matuwa sa ganda ng kalikasan habang natututong maging tagapagtaguyod ng turismong libre sa polusyon.
“Sa siyensya at teknolohiya, turismo ay aarangkada,” ani Solidum, Jr.
Sinubukan nina DOST Secretary Renato U. Solidum, Jr. At Looc Mayor Atty. Lisette Arboleda ang floating kiosk na gumagamit ng MEDDOW technology