Upang makatulong sa paghahanda sa panahon ng tag-ulan, nagkabit ng Rainfall and Water Level Monitoring System ang Department of Science and Technology (DOST) 1 sa Balolong Bridge, Mapandan noong ika-19 ng Abril 2023.
Ang Rainfall and Water Level Monitoring System ay isa sa mga teknolohikal na interbensyon sa ilalim ng Disaster and Risk Reduction/Climate Change Mitigation entry point ng programa ng DOST na Community Empowerment through Science and Technology (CEST), lalo nang maraming parte ng munisipalidad ang madaling binabaha.
Sa tulong ng naturang sistema, ang lokal na pamahalaan ng Mapanda ay mayroon nang maasahang sistema at teknolohiya upang mabantayan ang lebel ng tubig at ulan upang makapaglabas ng pagtataya ng lokal na baha, mapaunlad ang kasanayan sa risk management, at mabawasan ang epekto ng panganib dulot ng tubig sa mga komunidad.
Ayon kay Engr. Jomar Lampitok mula sa Clean World Trading and Supplies, Inc., na siyang supplier ng naturang equipment, mayroong mga sensor ang naturang sistema upang mamonitor ang taas ng tubig sa ilog, lawa, at iba pang anyong tubig para malaman ang lebel nito. Makakapagtala rin ang sistema ng lebel ng ulan.
Lahat ng datos na makukuha ay ipapadala, ipoproseso, at i-aanalisa sa isang central server, at ang mga manager ng water resources at ibang stakeholder ay mabibigyan ng access dito. Maaari rin itong makapagpadala ng SMS o short message service sa mga rehistradong sim.
Dumalo sa naturang pagkakabit si Mapandan Municipality Mayor Karl Christian F. Vega, kasama sina Shiela Penuliar, Office of the Mayor staff; Maian Jen Arguelles, Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) staff, at Nicka B. Caramat-De Vera, DOST 1 CEST staff.