Ngayong panahon ng tag-init, karaniwang problema ang madaling pagkasira ng pagkain na dulot na paggamit ng kontaminadong sangkap o maling paraan ng pagluluto.
Bilang tugon dito, isang pag-aaral ang suportado ng Department of Science and Technology-Philippine Council for Health Research and Development na may pamagat na Bacteriophage in Food Safety: Biosending and Biocontrol of Food Pathogens Program
Ito ay isang programang nag-aaral sa paggamit ng mga bacteriophage o mga virus na nakapupuksa ng bakterya tulad ng Salmonella enterica at Listeria monocytogenes para masiguro ang kaligtasan ng pagkain o food safety.
May dalawang bahagi ang naturang programa - ang Project 1: Phage-based Electrochemical Impedimetric Biosensing of Salmonella enterica and Listeria Monocytogenes in Meat Products na pinangungunahan ni Dr. Jose H. Bergantin, Jr. ng University of Santo Tomas (UST) at ang Project 2: Phage-based biocontrol of Salmonella enterica and Listeria monocytogenes in Meat Products na pinangungunahan naman ni Dr. Donna May D. Papa mula rin sa UST.
Layunin ng unang proyekto na makabuo ng paraan ng pagtuklas ng presensya ng Salmonella spp. at Listerio monocytogenes sa mga pagkaing karne gamit ang electrochemical impedance. Ang electrochemical impedimetric biosensor ay dinedebelop mula sa paghahanda ng magnetic nanoparticles at mga phage.
Paliwanag ni Dr. Bergantin, Jr., maaaring gamitin ang bacteriophages para sa biosensing kung saan nagsisilbing bioreceptor ang bacteriophage kung saan didikit ang mga bacteria at masusukat naman ang kanilang dami sa pamamagitan ng isang electrode na tulad ng karaniwang ginagamit sa blood glucose meter. Ang resulta ay maaari rin makuha sa loob lamang ng tatlumpung (30) minuto.
Ang ikalawang proyekto naman ay may layong makabuo ng produkto mula sa bacteriophage na may kakayahang pumuksa ng mga pathogen o mga organismong matatagpuan sa mga pagkaing karne na nagdudulot ng sakit. Sa kasalukuyan, inihihiwalay ang mga nakolektang bacteriophage bilang paghahanda sa pagsuri ng kanilang kakayahan sa pagpuksa ng mga pathogen.
Ani Dr. Papa, ang isang paraan ng paggamit ng bacteriophage ay ang pag-spray o paglalagay ng isang solusyon na may lamang mga phage sa maraming uri ng pagkain tulad ng hilaw na karne, ready-to-eat foods, poultry, sariwang gulay, at prutas. Ang kagandahan dito ay wala itong epekto sa lasa, itsura, at kabuuan ng pagkain. Ligtas rin ito para sa mga hayop, sa tao, at sa mga halaman dahil ang pinapatay ng bacteriophage ay tukoy o specific lamang.
Dagdag na paliwanag ni Dr. Montoya, ang bacteriophages ay maihahalintulad sa “injection o hiringgilya, kung saan tutusukin ng virus ang bacteria para mamatay ito. Sikat na ang bacteriophage sa buong mundo dahil ayon sa pag-aaral, sa paggamit ng bacteriophage, hindi nagkakaroon ng resistance ang bacteria.”
Sinusugan din ito ni Dr. Papa na nagsabing sa kasalukuyan, antibiotics ang karaniwang inilalagay na kapag nakain ng tao ay may epekto rin sa katagalan.
Dagdag ni Dr. Papa, pwede ring magamit ito sa iba pang pathogens. Sa kasalukuyan ay dalawang bacteria ang inaaral sa ilalim ng proyekto ngunit mayroon pang ibang mga bacteria na puwedeng pag-aralan sa hinaharap.
“Specific ang bacteriophages so ang kailangan lang gawin ay maghanap ng ibang bacteriophages para magamit laban sa ibang bacteria pero iyong paraan ay maaaring magamit sa ibang pathogens at sa ibang food products. Pwede rin sa aquaculture, agriculture,” aniya.
Sa ngayon ay tapos na aniya ang stability testing sa paiba-ibang temperatura at nakapili na sila ng pinakamagandang stability.
“Kapag na-test na po ang stability at formulation, pwede po itong mai-cascade sa iba’t ibang rehiyon. Maaarin rin sa mga maliliit na wet market o talipapa, small businesses, at sa malalaking industriya,” sabi ni Dr. Papa.
Ani naman ni Dr. Bergantin Jr., ang naturang programa ay nakatuon sa pag-iwas sa sakit at food poisoning sa pamamagitan ng pagsiguro ng kaligtasan ng pagkain.
Malaking tulong aniya ang proyekto sa ekonomiya dahil masisiguro nito na hindi makokontamina ang mga pagkaing inihahanda ng maliliit na negosyo pati na rin ang mga sangkap na ginagamit sa malalaking industriya ng pagkain.
Sa isang mensahe naman, nagpahayag ng buong suporta si DOST Sec. Renato U. Solidum Jr. sa mga pag-aaral na isinasagawa ng ahensya na may kaugnayan sa nutrisyon at kaligtasan sa pagkain.
“Indeed, health is wealth. And through the help of science, we at DOST can make it happen. Lagi po nating tandaan na: “Sa siyensiya at teknolohiya, kalusugan ay sisigla,” aniya.
Ang Bacteriophage in Food Safety ay isa lamang sa labing-isang proyekto sa ilalim ng Nutrition and Food Safety Research and Development na iprinisinta ng DOST-PCHRD sa isang virtual press conference kamakailan na pinopondohan ng DOST na naglalayong tugunan ang mga problema sa nutrisyon sa bansa, food safety o kaligtasan sa pagkain, at kalusugan ng kabataan, elderly o matatanda, at mga manlalaro para maitaguyod ang kalusugang pangkalahatan o Universal Health Care.
Isa lamang ang nutrition and food safety sa mga priority area na binibigyan ng pondo ng DOST-PCHRD para sa pagsasagawa ng mga pag-aaral at pagtuklas.
Kinikilala ng DOST ang kahalagahan ng pagsuporta sa gawain ng mga mananaliksik o researcher. Upang marami pang masuportahan, iniimbitahan ng DOST-PCHRD ang publiko na magsumite ng aplikasyon sa 2023 Call for Proposals (for 2025 funding) na bukas hanggang ika-30 ng Abril 2023.
Para sa karagdang impormasyon, bisitahin lamang ang www.tinyurl.com/PCHRDCFPKit.(Ni Rosemarie C. Señora, DOST-STII)