MENU

coco_dairy.png

Mabagal ang pag-unlad ng Pilipinas sa pagkamit sa mga non-communicable diseases (NCD) target na may kaugnayan sa diet o pagkain ng mga Pilipino.

Ito ang binigyang-diin ni Deparment of Science and Technology-Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD) Executive Director Dr. Jaime C. Montoya sa ginanap na Talakayang HeaRT Beat kamakailan.

Ayon sa Global Nutrition Report at World Bank, ilan sa mga isyu sa kalusugan na may kaugnayan sa nutrisyon at diet ay ang stunting o kakulangan ng bata sa tangkad o laki, wasting o kakulangan sa patas na timbang, micronutrient deficiency o kakulangan sa micronutrient, obesity o labis na katabaan, at mababang timbang sa pagkasilang.

Bilang tugon, kasalukuyang nagdedebelop ang Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) ng coco-dairy milk blend na may sustansyang sapat sa tatlo hanggang limang taong gulang na bata.

Ito ay sa ilalim ng proyektong “Technology Generation for the Production of Fortified Coco-Dairy Milk Blend” na pinangungunahan nina Abbie L. Padrones at Richard L. Alcaraz mula sa DOST-FNRI.

Sa madaling sabi, layon ng proyekto na ma-optimize o makabuo ng tamang pormulasyon para sa coco-dairy blend. Kabilang sa proseso ang pagsuri sa pormulasyon partikular na ang color profile o kulay, total soluble solids o ang konsentrasyon ng mga solid sa isang likidong pormulasyon, kapal o lapot ng pormulasyon, at ang delta creaming index o ang ratio ng porsyento ng cream layer at porsyento ng taba o fat sa pormulasyon ng milk blend.

Ayon kay Alcaraz, ang coco-dairy milk blend ay mataas sa calcium; mabuting pinanggagalingan ng enerhiya; mas mababa ang taglay na cholesterol; nakatutulong magpalakas ng resistensya; at may taglay na micronutrient, vitamin A, iron, at zinc.

Hindi rin aniya problema ang suplay ng niyog na pangunahing sangkap ng naturang milk blend.

Kapag naisapinal na ang pag-aaral, maaari na aniyang ilipat ang teknolohiya sa mga interesadong supplier at adoptor na siya namang maglalabas nito sa merkado. Maaari rin aniyang makapagsagawa ng pag-aaral sa mga susunod na taon para naman sa keso at butter.

Maglalabas aniya ng anunsyo ang DOST-FNRI kapag handa na itong mailipat ang teknolohiya.

“Malaki ang aspect nito sa kabuuang estado ng kalusugan ng bansa. Sa pamamagitan ng technology na ito para ma-improve ang nutritional status, malaki ang maidudulot nito sa ating bansa,” ani Alcaraz.

Maaari rin aniyang madebelop sa hinaharap ang coco-dairy milk blend na may sapat na sustansya para naman sa ibang age group.

Ang naturang coco-dairy milk blend ay isa lamang sa labing-isang proyekto sa ilalim ng Nutrition and Food Safety Research and Development na iprinisinta ng DOST-PCHRD sa isang virtual press conference kamakailan na pinopondohan ng DOST na naglalayong tugunan ang mga problema sa nutrisyon sa bansa, food safety o kaligtasan sa pagkain, at kalusugan ng kabataan, elderly o matatanda, at mga manlalaro para maitaguyod ang kalusugang pangkalahatan o Universal Health Care.

Isa lamang ang nutrition and food safety sa mga priority area na binibigyan ng pondo ng DOST-PCHRD para sa pagsasagawa ng mga pag-aaral at pagtuklas.

Kinikilala ng DOST ang kahalagahan ng pagsuporta sa gawain ng mga mananaliksik o researcher. Upang marami pang masuportahan, iniimbitahan ng DOST-PCHRD ang publiko na magsumite ng aplikasyon sa 2023 Call for Proposals (for 2025 funding) na bukas hanggang ika-30 ng Abril 2023.

Para sa karagdang impormasyon, bisitahin lamang ang www.tinyurl.com/PCHRDCFPKit. (Ni Rosemarie C. Señora, DOST-STII)