Inaasahan na sa darating na sampung taon, maituturing nang “aging society” ang Pilipinas at kaakibat nito ang pagtaas ng pangangailangan sa iba’t ibang produkto katulad ng nangyayari na ngayon sa Japan.
Ito ang dahilan kaya isang pag-aaral ang inilunsad ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) na suportado naman ng DOST-Philippine Council for Health Research and Development.
Ito ay ang Healthy Aging Program for PinoY o HAPPY Senior Citizens na pinangungunahan ng project leader nito na si Robby Carlo Tan ng DOST-FNRI.
Layong alamin ng proyekto ang kinalaman ng komposisyon ng katawan ng mga matatanda sa kanilang kakayahan sa mga pang-araw-araw na gawain at kalidad ng pamumuhay.
Kabilang din dito ang energy cost study kung saan susukatin ang energy expenditure o nagagamit na enerhiya ng mga kalahok.
Naitayo na rin sa ilalim ng proyekto ang Nutrition Physiology Laboratory (NPL) na naglalaman ng mga kagamitang magagamit sa pag-aaral ng functional capacity at nutrisyon. Nagkamit na rin ang proyekto ng copyright para sa isang brochure, dalawang audio-visual presentation, at logo ng NPL.
Ayon kay Tan, ang naturang pag-aaral ay may layong makatulong sa pagbuo ng mga polisiya na makatutulong sa kapakanan ng mga senior citizen.
“Hindi lang dapat tingnan ang dapat kainin, dapat tingnan rin ang kanilang functional capacity,” aniya.
Paliwanag niya, ang pagtanda ay isang napakakumplikadong proseso at ang nutrisyon ay isa lamang bahagi nito.
“It is a multi-disciplinary approach. It’s a challenge, but it’s about time that we include the nutrition aspect aside from the social benefits extended to our senior citizens,” sabi ni Tan.
Ang pag-aaral din ay maaaring maisagawa para sa iba pang grupo tulad ng mga kababayan natin na may kapansanan at iba pang pangangailangan ng lipunan.
Sa isang mensahe naman, nagpahayag ng buong suporta si DOST Sec. Renato U. Solidum Jr. sa mga pag-aaral na isinasagawa ng ahensya na may kaugnayan sa nutrisyon at kaligtasan sa pagkain.
“Indeed, health is wealth. And through the help of science, we at DOST can make it happen. Lagi po nating tandaan na: “Sa siyensiya at teknolohiya, kalusugan ay sisigla,” aniya.
Ang HAPPY Senior Citizens ay isa lamang sa labing-isang proyekto sa ilalim ng Nutrition and Food Safety Research and Development na iprinisinta ng DOST-PCHRD sa isang virtual press conference kamakailan na pinopondohan ng DOST na naglalayong tugunan ang mga problema sa nutrisyon sa bansa, food safety o kaligtasan sa pagkain, at kalusugan ng kabataan, elderly o matatanda, at mga manlalaro para maitaguyod ang kalusugang pangkalahatan o Universal Health Care.
Isa lamang ang nutrition and food safety sa mga priority area na binibigyan ng pondo ng DOST-PCHRD para sa pagsasagawa ng mga pag-aaral at pagtuklas.
Kinikilala ng DOST ang kahalagahan ng pagsuporta sa gawain ng mga mananaliksik o researcher. Upang marami pang masuportahan, iniimbitahan ng DOST-PCHRD ang publiko na magsumite ng aplikasyon sa 2023 Call for Proposals (for 2025 funding) na bukas hanggang ika-30 ng Abril 2023.
Para sa karagdang impormasyon, bisitahin lamang ang www.tinyurl.com/PCHRDCFPKit.( Ni Rosemarie C. Señora, DOST-STII )