MENU

Mula sa 24 na kalahok ng programang iWOMEN o Innovations for Women Enterprises, pipili na ang Department of Science and Technology (DOST)-V ng 12 na kalahok na mabibiyayaan ng panimulang tulong depende sa kung gaano kaganda ang kanilang performance at kung gaano kaganda ang magagawa nilang core business modules-based na plano sa kanilang mga negosyo.

Ang naturang programa ay may apat na lebel: ang (1) Pre-Implementation at (2) Technology and Capacity-building trainings na pawang isinagawa noong 2022, ang (3) Conduct of Technology Needs Assessment (TNA), Technology Pitching/Matching, and Techno-based Enterprise Start-up Assistance na isinasagawa ngayong taon at ang ganap na (4) Implementation na isasagawa mula 2024 kabilang ang iWOMEN Connect, Advanced iWomen, at iWomen Share.

Sinusuportahan ng naturang programa ang pagpapalakas sa mga kababaihan sa larangan ng pagnenegosyo sa pamamagitan ng pagbibigay ng siyektipiko, teknolohikal, at makabagong interbensyon, at teknikal na tulong sa mga kababaihan sa Bicol. Kabilang sa mga sektor na na prayoridad ng programa ay ang food processing, metals & engineering; furniture-making; agriculture, marine & aquaculture; forestry/livestock; ICT/electronics; health & wellness products; gifts, decors & handicrafts; at iba pang rehiyonal na prayoridad.

Ang pinakalayunin ng iWOMEN ay maihanda ang mga WMEs o women micro-entrepreneurs na maging kwalipikadong makapag-aplay sa Small Enterprise Technology Upgrading Program o SETUP - isa sa mga pangunahing programa ng DOST na tumutulong sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) na makapag-adopt ng mga interbensyong teknolohikal para mapaunlad ang kanilang mga produkto at operasyon.

Ang labindalawang kalahok na hindi mapipili para magpatuloy sa susunod na lebel ay bibigyan pa rin ng teknikal na tulong sa pamamagitan ng consultation at competence-building services. Sila rin ay tutulungan kung naisin man nilang mag-aplay sa SETUP.

Katuwang ng DOST-V sa programang ito ang Bicol University na siyang magtuturo, magte-train, at aasiste sa mga kalahok sa larangan ng pagnenegosyo.

iWOMEN

Mula kaliwa: Sina Dr. Luis O. Amano, BU Vice President for Research, Development & Extension; DOST-V Regional Director Rommel R. Serrano; at Dr. Arnulfo P. Malinis, BU CTCED Director matapos mapirmahan ang Memorandum of Agreement noong Nobyembre 2022 para sa kolaborasyon sa proyektong iWomen.

Ayon sa DOST-V, ang iWOMEN ay ang pagtupad sa pangako ng departamento na makatulong sa pagpapalakas ng mga kababaihan, bilang suporta sa inisyatibo ng Philippine Commission on Women na nagsusulong sa partisipasyon ng mga kababaihan sa ekonomiya at naglalayong maalis ang mga harang na istruktural na nakapipigil sa mga kababaihan na maabot ang kanilang buong potensyal na pang-ekonomiya.