MENU

Hindi lamang niya naipasa ngunit nanguna pa ang isang iskolar ng Department of Science and Technology at summa cum laude graduate ng University of Mindanao-Davao City sa mahigit 100,000 na nagsulit upang magkaroon ng lisensya at maging ganap na guro. 

Sa kalalabas lamang na resulta ng Licensure Examination for Professional Teachers o LET, nagkamit si Mirven Maghuyop Cabesay ng 93.40% upang tanghalin siya bilang topnotcher ng LET ngayong taon.

IMG 20230522 102352

Ipinanganak sa Barangay Tambobong, Davao City, inamin ng 23-anyos na si Cabesay na hindi pagtuturo ang una niyang career choice ngunit noong nag-aaral na siya ay natutunan niyang mahalin ito at pinili niya pa na magpakadalubhasa sa asignaturang Agham dahil na rin sa pagkahilig niya dito. 

Sa kabila ng pagdududa at hirap sa pag-aaral, plano na rin niya aniya na manguna sa LET at magbigay ng karangalan bilang pasasalamat sa paghihirap ng kanyang pamilya, unibersidad, at sa DOST. 

“Kailangan ng ating bansa ng mas maraming skilled at capable teachers, at dahil dito, naramdaman kong tama ang desisyon kong bumuo ng karera sa pagtuturo,” aniya.

Naibahagi rin niya na isang pangarap lamang ang pagtuntong niya sa kolehiyo, lalo pa’t nabibilang siya sa isang pamilya ng mga magsasaka na walang maaasahang matatag na kita.

Dahil dito, nag-aplay siya ng scholarship mula sa DOST at isa si Cabesay sa 5,172 na iskolar ng DOST sa ilalim ng RA 7687 Scholarship Program noong 2018.

Kaya’t malaki aniya ang pasasalamat niya sa scholarship program ng DOST dahil nakatulong ito nang malaki sa pag-aaral niya sa Davao City nang walang hinihinging pinansyal na tulong mula sa kanyang mga magulang. 

It has truly been a life-changer for me,” ani Cabesay.

Bilang iskolar ng DOST, plano niyang tuparin ang kanyang return service sa pamamagitan ng pagtuturo at may plano rin aniya siyang kumuha ng Master’s degree.

Payo naman ni Cabesay para sa mga nangangarap ng DOST scholar at board topnotcher, disiplina at dedikasyon ang kailangan dahil nakakapagod at nakaka-drain umano ang buong proseso.

“Mahalagang maintindihan ninyo ang inyong study habits at learning styles,” aniya.

Pinayuhan rin niya na dapat na taasan nila ang kanilang mga pangarap at magkaroon ng mataas na pamantayan sa sarili upang makamit ang anumang naisin nila sa buhay.