MENU

Upang makapagbigay ng malinis at ligtas na inuming tubig, nakipagtulungan ang Department of Science and Technology (DOST) sa lokal na pamahalaan ng Talakag, Bukidnon at mabigyan ng 140 ceramic water filter noong ikalawa ng Hunyo 2023 ang mga Higaonon na pawang nakatira sa Barangay San Rafael, Talakag, Bukidnon.

CWF-A.jpg

Bago ang naturang interbensyon ng DOST, nagpapakulo ang mga residente ng tubig bago ito inumin. 

Ayon sa mikrobiyolohikal na pagsusuri, natagpuang may coliform bacteria ang pinagkukunan nila ng tubig, patunay ng mababang kalidad ng inuming tubig. Dagdag pa rito, kinakailangang maglakad ng mga residente ng dalawang kilometro upang marating ang bukal na pinagkukunan nila ng tubig - na nakadaragdag ng problema sa inuming tubig ng mga residente.

Ayon sa datos, may apat na kaso ng diarrhea o pagtatae sa lugar noong 2019 at may labintatlong kaso naman noong 2020.

CFW-B.jpg

Kaya naman, itinuturing na malaking tulong ang handog ng ceramic water filter na produkto ng Ceramic Training Center ng Mindanao State University-Iligan Institute of Technology. 

Ang teknolohiyang ito na may patent ay epektibo sa pagsala ng kalawang, heavy metal, at iba pang mapanganib na bacteria tulad ng E. coli at nakatutulong upang masiguro ang kaligtasan ng inuming tubig. Dagdag pa rito, ang filter ay nakatutulong na mapreserba ang mga mahahalagang mineral sa tubig habang pinapanatili ang non-acidic na pH level nito. 

Ang lokal na pamahalaan ng Talakag ay isa sa mga masusugid na katuwang sa pagsiguro ng epektibo at matagumpay na mga proyekto ng DOST sa Talakag. 

Nagpahayag si Talakag Municipal Administrator Alberto Bigcas ng pasasalamat sa DOST, sa ngalan ni Mayor Vergito O. Factura para sa interbensyong maka-agham at teknolohiya.

“Marami nang naitulong ang DOST sa ating munisipyo, hindi lang sa livelihood kundi pati na rin sa problema ng kawalan ng malinis at naiinom na tubig dito sa Barangay San Rafael.  Malaki ang pasalamat namin sa DOST sa lahat ng naitulong nila, lalo na sa aspeto ng health and sanitation, sa pamamagitan ng pagbigay ng malinis at naiinom na tubig,” aniya.

Nagpaabot rin ng pasasalamat si kapitan ng Barangay San Rafael na si Puyat P. Sagayan sa DOST at LGU-Talakag para sa pagbibigay ng mga ito ng solusyon sa kanilang problema.

“Nagagalak akong makita ko ang mga kasama ko sa barangay na masaya noong natanggap nila ang ceramic water filters, ang sagot sa kawalan ng malinis at naiinom na tubig. Salamat DOST at sa LGU Talakag, sana marami pa ang CWF na maibigay para mas marami pa ang makabenepisyo nito,” ani ng kapitan.

Ang proyekto na may pamagat na “Project WAHIG: Water and Hygiene Improvement in Geographically Isolated Areas of Brgy. San Rafael through the Roll-out of Ceremic Water Filter Technology in Talakag, Bukidnon-D” ay sa ilalim ng programang Community Empowerment through Science and Technology ng DOST o mas kilala sa tawag na CEST. Ito ay naaayon sa Goal No. 6 ng sustainable development goals ng United Nations, na naniniguro ng daan patungo sa pagkakaroon ng malinis na tubig para sa lahat. 

Sa kasalukuyan, ikalawa ang LGU-Talakag sa nakatanggap ng ceramic water filter mula sa DOST Bukidnon sa ilalim ng naturang programa. Isa lamang ang interbensyon sa labing-isang proyekto ng CEST sa munisipalidad. 

A person holding a large water jug

Description automatically generated with low confidence

Ani DOST-Bukidnon Provincial Director Ritchie Guno, layon pa ng opisina na makipagtulungan sa mas marami pang lokal na pamahalan sa probinsya na nangangailangan ng intebensyong maka-agham at teknolohiya. (Impormasyon mula kay Jenifer O. Pancho ng DOST-Bukidnon)