MENU

FPRDI_LIKHA.jpg

Ilulunsad ng DOST–Forest Products Research and Development Institute (DOST-FPRDI) ang paligsahan sa pagdisenyo ng ilawan gamit ang kawayan bilang pangunahing kasangkapan.

Gagamiting ng ahensya ang paligsahang "Ilawang Kawayan" upang makahanap ng mga ilawang may disenyong makabago, napapakinabangan, at kaakit-akit. Gagamitin sa pagdisenyo ang kawayan—isa sa mga pinakamahalagang produktong-gubat na pang-kalakal at yamang-likas sa bansa.

Ilang taon nang sinasaliksik ng DOST-FPRDI ang mga sari-saring katangian ng kawayan—kabilang na ang mga paraan sa pagproseso, pagtuyo, at pagpanatili nito. Tuluy-tuloy ding sinusuri ng ahensya ang mga sari-saring paggagamitan nito tulad ng pagbuo ng gusali at maging mga instrumentong panugtog.

Paliwanag ni Romulo T. Aggangan, Tagapamahala ng DOST-FPRDI, naniniwala ang ahensya sa pagiging malikhain at makabago ng mga Pilipino. Ani niya, kaakibat ng sapat na tulong mula sa kalipunang pang-agham, higit pang mga kagamitan ang mabubuo ng mga nasa "industriyang malikhain" ng ating bansa. Dagdag pa niya, inaasahan ng ahensya ang iba pang mga pagkakataon tulad ng Ilawang Kawayan para sa mga kabataang tagapaglikha.

Sa Pilipinas, nabibilang sa nasabing mga industriyang malikhain ang sining biswal, patalastasan, dibuhong pakilos, yaring-kamay, gawaing pang-kultura o pang-lahi, pagdisenyo, pelikula, pagmakata, pagtugtog, sining pakilos, at iba pa. Kinikilala ang mga ito sa kanilang kakayahan na maaaring makapagdagdag ng kita at hanapbuhay sa pamamagitan ng pagbuo ng at pagkinabang sa pag-aaring intelektuwal.

Ang Ilawang Kawayan ay isa sa mga pangunahing pagpapasimuno ng DOST-FPRDI sa pagdiwang ng ikaanimnapu't anim na anibersaryo nito mula ikatlo hanggang ikapito ng Hulyo ngayong taon. Itatanghal ang sampung mga paunang disenyo sa Bulwagang D.L. Umali ng Unibersidad ng Pilipinas sa Los Baños, na ibubukas sa madla mula ikatlo ng Hulyo. (Isinalin ni Allyster A. Endozo, DOST-STII)