Macaroon, bukayo, at coco jam - ilan lamang ito sa mga produktong mula sa niyog na ipinakilala ng Department of Science and Technology (DOST) XI sa pamamagitan ng Provincial S&T Office sa Davao Occidental sa mga kababaihan mula sa iba’t ibang organisasyon sa Balut Island, Sarangani, Davao Occidental.
Layon ng pagsasanay na mabigyan sila ng kakayahan sa paggawa ng produkto mula sa niyog na sadyang sagana sa kanilang lugar at magkaroon ng oportunidad na maiangat ang antas ng kanilang kabuhayan.
May kabuuang 120 kababaihan ang lumahok sa pagsasanay na nagturo sa kanila sa paggawa ng produktong masarap, madaling ibenta, at masustansya na pinangunahan ni Robelyn Pulido mula sa DOST Davao Technology Training.
Labis ang tuwa ng grupo sa binigay sa kanilang oportunidad na magkaroon ng kita mula sa paggawa ng mga produktong ang pangunahing sangkap ay madali na nilang makukuha sa kanilang paligid.
“Bilang kababaihan, maaari din kaming makatulong sa ekonomiya sa pamamagitan ng aming maliliit na paraan,” ani Maria de Arce, ang presidente ng samahan ng mga organisasyon.
Ang mga kalahok ay mula sa mga sumusunod na organisasyon:
1.Mabila Women’s Association
2. Camahual Women’s Association
3. Gomtago Women’s Association
4. Laker Abante Women’s Association
5. Camalig Women’s Association
6. Konel Women’s Association
7. Lipol Women’s Association
8. Patuco Women’s Association
9. Tagen Women’s Association
10. Tinina Women’s Association
11. Tucal Women’s Association
12. Batuganding Women’s Association
Bukod sa macaroon, bukayo at coco jam, naituro rin ni Pulido ang paggawa ng coco cookies na gawa naman mula sa sapal o laman ng niyog. Itinuro din niya ang iba’t ibang stratehiya sa pagbebenta upang masiguro ang merkado ng mga produkto.
Upang makumpleto ang pagsasanay, tinuruan din ang mga kalahok ng kaalaman at kasanayan sa paggawa ng liquid dishwashing soap, detergent powder, at fabric softener na ilan ding alternatibong mapagkikitaan ng komunidad.
“Nawa ay hindi kayo magsawa sa pagbalik dito sa aming isla,” pahayag ni de Arce na puno ng pasasalamat.
Ang technology training ay isinagawa sa ilalim ng programang Community Empowerment through Science and Technology ng DOST na may layong paunlarin ang antas ng kabuhayan sa mga komunidad sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng iba’t ibang kakayahan at kabuhayan. (Impormasyon mula sa DOST XI S&T Information and Promotion)